TULOY PO KAYO

Maligayang bati sa iyong pagbisita. Harinawari ay masiyahan ka sa mga salitang iyong mababasa at litratong iyong makikita. Ngunit maaari rin na malungkot ka at magdalamhati, magalit o matawa, mainis o masuka, o gumulong sa katatawa. Natural lang yon, tao lang, tuloy ang basa.

Paunang Salita

Ang bawat letra, salita, pangalan, lugar at sari-saring pa-ek-ek na kabaduyan at matitinong kahulugan ay kathang-isip lamang at hindi ito ginawa para maka-sakit ng tao. Wala ding nasaktan na mga hayop at insekto habang ginagawa ang "blog" na ito. Pakisuyo lang po..."Mag-alis ng muta, bago bumangon. At huwag mahiga buong maghapon."

Pero, paminsan-minsan ay may mga "blog" din na hinango sa totoong buhay, totoong kapighatian, totoong kaligayahan, totoong kabiguan at totoong tagumpay. Paunawa lang po..."Bawal mangulangot sa jeep."

Linggo, Oktubre 25, 2009

"E-gun"



"Hello" E-gun, kumusta na ang pinakamatalik kong kaibigan. "Miss" na "miss" ka namin, marami na sa iyo ang mangungutang. Ikaw kasi yung taong nasa tubig ang listahan. Bale wala sa iyo kung hindi ka man mabayaran. Bagkus andiyan ka pa rin at patuloy na yumayaman. Kelan ka daw uuwi sabi Panong. Inuman naman daw kayo kahit walang pulutan. Gusto ka lang daw makausap, iyo mo daw siyang sabihan. Payuhan mo raw at turuan. Baduy na baduy na raw siya sa kanyang kapalaran. At itong si Pentiong kapag nalalasing, ikaw ang palaging inihahambing sa lahat ng bagong dumadating. Nagawa na raw yan ni E-gun, si E-gun na ubod ng galing. Nalulumbay na nga kami. Nawalan ng buhay ang mundo ng mawala ka sa aming tabi. Nagkanya-kanya na kami at mga yabang ay dumami. Ang iba'y nag-away-away, korni na ang diskarte. Sumbatan, sundutan, tirahan na sa ere. Ang malaglag, hehehe, dale!
Pati nga ako, eto na't nagagago. Malakas ang impluwensya nitong mga demonyo. Laganap na ang espiritu nitong mga sanggano. Pati itong paligid, nagkalat ang niluluga at inuubo.
Ano E-gun? Kelan ka ba papakita? Pawiin mo ang gulo sa bayan mong sinisinta. Kahit ilang araw lang sa amin ay ayos na. Manumbalik lang ang gana at mga kwelang katawa-tawa...


;-)

Biyernes, Oktubre 23, 2009

⊙ My Life in Ruins ⊙



Kung mahilig kang mamasyal sa iba't ibang lugar, panoorin mo 'to maganda rin ang aral. At kung puro turista ang kasalamuha mo sa buhay, para din sa iyo 'to, pampataas ng dangal...

Para din ito sa hindi marunong magmahal. Matututo kang umibig, hangal man o banal. At kung seryoso ka at lagi kang malumbay. Bagay na bagay sa iyo 'to para sumaya ang iyong buhay...

Pag-ibig, buhay at kamatayan. Ugali, kultura at kasaysayan. Kaibigan, asal at katapatan. Pag-asa, puso at pagmamahalan...



Lunes, Oktubre 19, 2009

↑Up↑



Napanood mo na ba 'to? Itong pelikulang "Up". Ako hindi pa naingganyo lang ako sa pabalat. Bumalik sa pagkabata parang lobo na lumilipad. Nakakatuwa yung character. Sino kaya ang gumanap...

Kaso ang labo, hindi ko na lang itinuloy. Maghihintay na lang ako ng magandang kopya sa "Unlimited Pirated Store". "Next week" pa raw ang dating sabi ni Abdul, "for sure". I-"preview" ko na lang daw muna dahil ang "Up" ay "super cool"...

Kung sa bagay ganoon daw talaga. Pag maghihintay ka ng "original", taon ang ipipila. Minsan kay Abdul wala pa sa sine meron na s'ya. Pwede pang mag-"request" ng kahit ano, mapa-"action" man o mapa-"drama"...

Yon nga lang minsan ay malabo. Minsan naman ay malinaw, inintsik nga lang ang "audio". May "sub-title" nga minsan, wala naman sa estilo. Tyaga-tyaga na lang, ganito talaga sa bayan ko...

At kahit nga malabo pinanood ko na rin. Nasiyahan na ako at sa tingin ko'y "okey" na rin. Maganda ang istorya may aral kang mapapansin. Magaling din yung gumawa, siguro may pinoy din...




Sabado, Oktubre 17, 2009

"bitak-bitak na alapaap"



Pira-pirasong pangarap sa bitak-bitak na alapaap. Hindi maka-abante, hindi maka-usad. Panibagong pagsubok heto na at kaharap. Ayaw nang tantanan kahit na hirap na hirap...

Wala talagang permanente, lahat ay nagbabago. Sa dami ng pagpipilian, may ligtas, may delikado. Kapanatagan, kaligtasan, laban sa delubyo at peligro. Saan ba dapat uminom, sa kutsara ba o sa baso?...

Kung gustong maging isda sa tubig ay magbabad. Kalaunan, katagalan, may kaliskis na ang balat. At kung gustong lumubog sa putik o sa burak. Asahan ang paggapang, tulad ng bulate at ng ahas...

Tayong lahat ay may gamit at disenyo. Kung ikaw ay lumilipad kailangan mo ng pak-pak at balahibo. Kung ikaw ay sumisisid sa pinakamalalim na ibayo. Marahil ay alam mo na kung sino ka at kung ano...

At kung ikaw ay nag-iisip, nagsusulat at tumatakbo. Naglalakad, nagbibihis, naliligo, nagluluto. Nag-aaral, naglilinis, nagsasalita, umuubo. Asahan mong syento-porsyento, ikaw ay isang tao...


♀★▲◇■◎■◇▲★♂

Huwebes, Oktubre 15, 2009

≈signos≈




At sinundot pa ang babala. Isang ale na nanghihingi ng limang-pisong barya. Ngunit sa halip na pera, tinapay ang ibinigay ko sa kanya. Tinanggap n'ya ito ng walang hanihu-haniha. Tumitig pa sya sa akin na waring galit pa ang mga mata...

At naupo pa sa aking harapan. Sabay dinukot sa bag mga pera niyang napalimusan. Waring nagpapahiwatig na ito ang kanyang kailangan. Sabay naupo sa kanyang tsinelas at lumupagi sa harap ng tindahan...

At muli siya'y tumitig ng nanlilisik. Tinakpan ang numero at hindi bumibitaw sa pagtitig. Hindi ako nakagalaw, pinagmasdan ko lang siya ng matuwid. Ang mukha niyang kanina'y nanlilisik. Ngumingisi na para bang disipulo ni Hagupit...

Dahan-dahan siyang bumubulong. Nagsasambit ng kung anong orasyon. Nakaharap sa kanluran kung saan lumulubog ang panahon. Ano ang kanyang ibig ipahiwatig, tinanong ko siya ng ano yon?...

Ang impierno ay unti-unting papalapit. Susunod ang gutom, pait at sakit. At ang tao na walang makain, tumataas ang hinanakit. Kasunod na nito ay ang sindak at ang matinding-galit...



Miyerkules, Oktubre 14, 2009

≈666≈





Isa lang ito sa mga senyales na nakasulat. Mga hindi sinasadyang pangyayari na sadyang nakakagulat. Kung ikaw ay naniniwala na ang kapalaran mo ay nasusulat. Malamang na kikilabutan ka sa mga ganitong pahayag...

Baha, bagyo, lindol at pagguho. Ilan lamang ito sa ugali ng paligid mo. Unawaing mabuti ang kalikasan ito. Upang maintindihang mabuti kung ano ang dulot nito...

May batas ang bawat bagay. Kapag iyong kinontra sigurado ang sablay. Pilitin mo man ito nang ano mang husay. Asahan mong panandalian lamang ang makakamit na tagumpay...

Magmasid, mag-isip masdang mabuti ang paligid. Ipagsawalang bahala kung gusto mong magkasakit. Kung ang tubig ay madumi at nagkukulay putik. Huwag mo nang iinumin at buhay mo'y mabibingit...

Oras na para takasan ang lupit. Oras ng kumilos upang buhay ay manumbalik. Ngunit kung talagang ayaw mo ay hindi kita pinipilit. Tatagan mo na lang ng husto, maraming pang unos na dadapit...



Sabado, Oktubre 10, 2009

↑Gising na↑



aaaahhhh....ang sarap gumising ng maaga. Sa tinagal-tagal ko dito'y ngayon ko lamang napuna. Haring-araw ay paparating na. Maghahayag na ng liwanag ng magara n'yang korona...

At naglalabasan na itong mga ibon. Klase-klase ang kulay na tuwang-tuwa sa panahon. Kumakain ng mga insektong ipinag-pag ng kahapon. At masayang nagliliparan sa masaganang pagbangon...

At tumitilaok na muli itong mga manok. Dinig na dinig ko mula sa kabilang bundok. Banayad na rin ang agos nitong dalawang ilog. Malinaw na ang tubig wala ng putik wala na ring lumot...

Masarap din ang tulog ko kagabi. Maganda ang panaginip tunay na hine-hele. At sa mga oras na ito nakabangon na at nag-sindi. Tara na, heto ang tasa at tayo'y mag-kape...



Biyernes, Oktubre 9, 2009

°Bagong-Umaga°




Nagising ako sa liwanag ng umaga. Lumalabas na ang araw ala singko y medya. Napasilip ako sa bintana dahil sa taglay niyang ganda. Hmmm, napakaganda ng umaga...

Bahagya nga palang umulan, no'ng isang araw at kahapon. Ngayon ay maaliwalas na, mukhang aabot pa maghapon. At kung papalarin pa bukas at makalawa. Pihadong maganda rin ang taglay na panahon...

Tambak man ang gawain ay may gana ng ayusin. Lipas na ang lungkot, luha'y ayaw ng tratuhin. Buo na ang loob na ang ngayon ay harapin. Malakas pa sa kalabaw, at mas matalino pa sa matsing...

Nakakangiti na nang palagi. Humahalakhak na ng kaunti. Sumasaya na ang budhi. Kayang-kaya nang, mabuhay na muli...


°

Huwebes, Oktubre 8, 2009

▲"Ahon"▲



Pira-pirasong semento sa putikang estero. Nagkalat ang lahat mula sa basura ng bagyo. Pinulbos, dinurog maging pangarap ng tao. Pilit na ginupo mula sa delubyo...

Hirap ang dinaranas sa dala nitong kalamidad. Ilang taon na ipinundar para pagandahin itong syudad. Inayos, pinabuti para sa kaunlaran ng lahat. Ngunit sa ilang oras lang, ginupo ito at binuwag...

Mga batang nag-iiyakan na wala nang matuluyan. Matatandang uugod-ugod, mga wala na ring masilungan. Pamilya'y nagkawatak-watak sa pagkasira ng tahanan. Kumakalat ang sakit maging sa katawan at isipan...

Ngunit huwag mawalan ng pag-asa. May mabubuting tao na bukas sa pagkalinga. May mga ginintuang-puso na handang magpa-ubaya. Handang magbigay at tumulong para sa kinakapos na kapwa...

Itatayong muli ang nasugatang bandila. Ipapakita ang wagas na pagmamahal sa madla. Tulong-tulong sa pagtatatag nitong makabuluhang diwa. Dahil hindi tayo napasusupil sa trahedya ng baha...


★★★◎

Miyerkules, Oktubre 7, 2009

△"sa panahon"△




Parang mga salawahang-tao itong mga bagyo. Waring nag-uusap kung saan magtatagpo. Hindi pwedeng magkalapit, hindi pwedeng magkasundo. Minsan lang magkikita at doon din maglalayo...

Para ding mga batang naglalaro sa lansangan. Hindi alintana ang init, hindi alintana ang ulan. Baliwala sa kanila ang masaktan man o masugatan. Tuloy lang sa kanilang laro at sa ligayang nakakamtan...

Lahat ng bagay ay may pinagmulan. May lumikha nito at meron din na lumalang. Tulad ko na nilikha ng tatay at nanay kong nagmamahalan. Hindi ako sumulpot ng wala man lamang na dahilan...

At sa ating pagmulat, ito ay kapalaran. Saan ka man dalhin ayon sa iyong kagustuhan. Tulad ng mga ibon at hayop sa kagubatan. Lumilikas sila kapag may naka-ambang na kapahamakan...

Tao pa kaya na may talino at lakas. Harapin ang panahon ng mas mabuti at matalas. Andiyan lang palagi ang pag-asa sa iyong palad. Gamitin ng mas mahusay para sa mas magandang bukas...

Lumikas, tumakas sa hirap na dinaranas. Pansinin mo ang paligid, hanapin ang tamang landas. Tumingin ka sa ibaba, tumingin ka sa itaas. Tingnan mo ang ibon, naglilipat na ng bagong pugad...




Martes, Oktubre 6, 2009

"I SE W880i"



Maraming nagtatanong kung ano ang gamit ko sa "blog". Marami rin na hindi naniniwala na ito ang gamit ko sa "blog". Ito talaga walang bola walang lag-lag. Heto ang "picture", kulang pa ba sa paliwanag?...

O sige, heto pa ang dag-dag. Madali lang kasi, saan man 'ko mapadpad. "Instant" "access", ando'n na agad. Ano man ang makita ko, ano man ang ma-isulat...

Mas makatotohanan, kung ito'y isang bagsak. Mas nararamdaman ko ang tunay na nagaganap. Mas malawak ang unawa at ang laya ay sagad. Mas nadarama ko kung ano ang gustong sabihin ng gumaganap...

Ang malalim at mababaw sa akin ay pareho rin. Ang mas importante ay kung papaano mo ito gamitin. Kung makaka-sama ba ito o makabu-buti sa atin. May halaga ba ang bawat bagay kung iyong iisipin?...

Huwag mo na lang isipin kung hindi mo kaya. Ang importante ay marunong kang magbasa. Kasunod na niyan ay ang umunawa ka. Ang maintindihan ang lahat, bago man ito o luma na...

Wala ring bata, wala rin matanda. Ang pinagkatandaan ay babalik sa pagkabata. Maging laro man ito o alay ng tadhana? Tuloy lang ang kilos, dahil isa ka sa itinakda...

Maging ako ay ganon din. Maging itong "blog" ko ay itutuloy ko pa rin. Kuhit humina na ang tenga at lumabo ang paningin. Tuloy lang ako sa pagba-"blog", kahit pa maging ulyanin...



Lunes, Oktubre 5, 2009

"Kapalaran"




Baligtad na nga ba ang mundo. Mula sa lamesang kwadrado. Balasahin mo na ang baraha mo. At ipakita ang kapalaran ko...

O sadyang nauuso lang itong kalamidad. O sadyang ang mundo lang ay tuluyan ng bumaligtad. Waring ang paligid ay hindi na ligtas. Kailangan na bang magkulong sa gusaling matatag...

Mistula na nga bang mga ipis at daga? Ang sumunod sa agos ay malunod sa baha. O ang tumayo sa bundok na malambot at malata. At magpadagan sa pagguho ng lupa...

Tayo ba ang pumipili nitong kapalaran? O minana lang ito sa kanunununuan? Kalamidad ba ay likha nitong kalikasan? O tao ba ang responsable sa lahat ng kaganapan?..

Ganon pa man, tuloy lang ang buhay. Palaging may pag-asa sa ning-ning nitong kulay. Bangon! Bangon! Salubungin ng mas matibay. Itong hamon ng panahon, hindi pasusupil, dahil kailangan magtagumpay...






Sabado, Oktubre 3, 2009

"marahil"



Panahon ng maglakbay sa mataas at patag. Panahon ng maghanap kung saan ang ligtas. Panahon ng lumikas at maging matatag. Upang kinabukasan ng anak ay maging panatag...

Hindi na makatuwiran ang makipagsiksikan. Hindi na makatuwiran ang away at agawan. Hindi na makatuwiran ang sanggol sa ulanan. Hindi na makatuwiran na sila ay pabayaan...

Ano nga ba talaga ang mas nararapat? Ang magtiis sa hirap at maghintay ng lunas? O ang kumilos at lumikas doon sa mas ligtas? O ang harapin ang lupit nitong likas na dahas?..

Marahil ay panahon na, mga bata ay alalahanin na. Mailayo sa panganib, mailayo sa dusa. Mailayo sa bangungot ng kasawian at aba. Mailayo sa lagim ng hindi magandang pamana...





Huwebes, Oktubre 1, 2009

"Oktubre"



Napakamaalinsangan ng paligid. Lumabas ang buwan mula sa langit. Mainit ang hangin na umiihip. Na para ka lamang kinukuhit...

Waring may humihigop sa kung saang dako. Walang mga bituin na nakapako. Tahimik ang kawayan at malalagong puno. Nasaan ka hangin na nagbibigay suyo...

Ito ang hitsura kung titingala ka. Dito sa lugar na walang balisa. Malamlam na liwanag ang aking nakikita. At mga paniking paikot-ikot sa puno ng mangga...

Mag-aalas onse na sa unang gabi ng Oktubre. Walang ulan walang ambon sa sakuna ay libre. Mga bata'y naglalaro kahit na gabing-gabi. Malayang nagtatakbuhan, tuwa'y banaag sa kanilang pisngi...

Hindi nila alintana na sa kabilang-dako ay umuulan. Nandoon din ang malakas na habagat at amihan. Walang nakakaalam kung ano ang kahihinatnan. Kung ano man yaong idudulot nitong kapalaran...