TULOY PO KAYO

Maligayang bati sa iyong pagbisita. Harinawari ay masiyahan ka sa mga salitang iyong mababasa at litratong iyong makikita. Ngunit maaari rin na malungkot ka at magdalamhati, magalit o matawa, mainis o masuka, o gumulong sa katatawa. Natural lang yon, tao lang, tuloy ang basa.

Paunang Salita

Ang bawat letra, salita, pangalan, lugar at sari-saring pa-ek-ek na kabaduyan at matitinong kahulugan ay kathang-isip lamang at hindi ito ginawa para maka-sakit ng tao. Wala ding nasaktan na mga hayop at insekto habang ginagawa ang "blog" na ito. Pakisuyo lang po..."Mag-alis ng muta, bago bumangon. At huwag mahiga buong maghapon."

Pero, paminsan-minsan ay may mga "blog" din na hinango sa totoong buhay, totoong kapighatian, totoong kaligayahan, totoong kabiguan at totoong tagumpay. Paunawa lang po..."Bawal mangulangot sa jeep."

Huwebes, Disyembre 31, 2009

"lipad"



Muling lumipad sa ibabaw nitong ulap. Sakay ng latang, palutang-lutang sa alapaap. Halos limampu lang ang sakay nitong pinoy na air-bus. Pwedeng-pwedeng magpagulung-gulong, tumakbo at magpa-padyak...

Walang halos pasahero nitong araw ng pasko. Kaya itong eroplano parang eks-klusibong eksklusibo. Walang estorbo, parang isang magandang plano.Walang delay..., eksakto!..

Pwede pa nga'ng magpahila-hilata. O kaya'y sumulyap sa halos lahat ng bintana. Ang ganda ng tanawin, parang dagat ng makata. Parang isang ngiti, nang malulungkuting diwata...

Walang dapat na gawin, kundi ang pagmasdan. Sa dahan-dahang pagbabago nitong nasasaksihan. Buhay itong langit, ganon din itong sinasakyan. Sa enerhiyang nagpabalik patungo sa pinagmulan...






Linggo, Disyembre 27, 2009

" Tahak "





Walang nakakabatid sa landas na tinahak. Ginupo at winaksi nitong nakaraang walang lingap. Pinag-isa at inihiwalay sa kasaganaan ng bukas. Pinagtulungan ng dusa, hinanakit at hirap...

Kaunting-kaunti na lang, buhay ay magwawakas. Pintig ng puso ay dahan-dahan ng kumakalas. Buong katawan ay nanlalamig, naninigas. Malapit na ang katapusan, malapit na itong wakas...

Ngunit pumihit itong pagkakataon. Isang katutubo sa harapan ko ay nakatuon. Habang nanlalamig ako ay kanyang inampon. Pinasan, dinala, patungo sa kanyang nayon...

Muli akong binuhay nitong pagkakataon. Pag-asa ay pinalasap upang muli akong maka-bangon. Bumalik na ang lakas, bumalik na ang tugon. Ano ang dahilan at muli akong pina-ahon?..




¤

Biyernes, Disyembre 11, 2009

"6"



Anim na damdamin ng isang karaniwang tao. Sampu ito pero anim muna ang uunahin ko. Anim na antas kung saan ang isip ay ganito. At ang lahat ng mga ito ay dinaranas ng tao...

"Hell" ang unang dapat unawain. Kapag hindi mo ito naintindihan, "common" mortal ka pa rin. Pinakamababang-uri kapag buhay-na-buhay sa damdamin. Alipin ng kasamaan. Disgrasya ang aabutin...

"Hunger" naman ang pangalawa sa impiyerno. Kapag isip ay gutom, magma-"malfunction" ang ulo. Walang kabubusugan sa "power" man o sa panggagantso. Sayang naman ang pagiging isang tao kung asal buwaya'ng walang modo...

"Anger" naman itong pangatlo. Kapag puso ay may poot, puro ligalig ang matatamo. Kahit saan magpunta ay binubuntutan nitong bagyo. Walang tama lahat ay mali. Sa mga kahit anong makakasalubong nito...

"Animality" ito ang pang-apat. Isipin mo ang taong ugali ay parang ahas. Kapag ang tao ay puro kahayupan ang isinisiwalat. Asahan mo na ang buhay niya'y parang hinahabol ng mga parak...

"Humanity", ito ang panlima. Sa antas ng pag-iisip ng taong may pag-asa. Mapagkawang-gawa, malinis ang kunsensiya. Marahil ay alam na niya ang batas nitong karma...

"Heaven", ito ang pang-anim. Pang-anim sa landas na sa tao ay tatahakin. At kung madalas sa puso ng tao itong "heaven"? Bawat kanyang hiling, bawat kanyang sabihin, kakamtin...

Meron pa'ng apat, pero heto na lang muna. May apat pa'ng humihigit sa anim na nauna. Sa susunod na lang, yung apat na mas maganda. Kapag nakamit natin yon. Lahat tayo ay sasaya...





sa muli

"3"




Si Sangko ay may talento. Magaling manloko at mang-uto ng tao. Mabuladas ang tuktok. Malakas ang katok sa ulo. Lumaking mangungurakot kaya binansagang Sanko..

Si Sangno ay may talento. Ayaw patalo, matigas ang ulo. Palaging galit, pumapatay ng tao. Naging dambuhala, naging sanggano...

Si Sangka ay may talento. Pamali-mali hindi naman sinto-sinto. Tatanga-tanga kapag nakaka-kita ng gwapo. Iba-iba ang lalaki na sa kanya ay nakapag-palobo...

Heto na sila, silang tatlo. Ang umiinom ng lason na magpapagupo sa tao. Ang lason ng gahaman, galit at kahangalan. Huwag naman sanang kumalat sa buong sangkatauhan...

Huwag pahahawa, huwag papalinlang. Sa tatlong lason na ito na palipa-lipana lang. Aali-aligid, andyan lang ang mga yan. Maging sa sarili natin ay huwag na huwag pagbibigyan...

Ngunit ituring mo rin silang iyong kakilala. Pwede mo rin silang kausapin at tratuhin ng maganda. Itabi mo lang sa iyong puso at tingnan na parang obra. At sa pader ng iyong kaisipan, doon isabit na parang medalya...



《"》

Miyerkules, Disyembre 9, 2009

ㄚ tingala ㄚ


Minsan ang tao ay nawawalan ng pakiramdam. Puso niya ay tumitigas na parang bato, parang bakal. Nabubuyo sa tawag ng kagustuhan. Na hindi mo ma-antig at hindi mo mapigilan...

Mahirap pakiusapan, mahirap pakisuyuan. Mag-aaksaya ka lang ng panahon. Walang kahihinatnan. Kahit lumuha ka pa ng bato. Sakit lamang ang mararanasan. Magagalit ka lamang, huwag mo itong papatulan...

Ang sagot marahil ay tumayo. Magsikap ka at sumuko. Magtiyaga at magtiis, iwaksi ang siphayo. Tatagan ang sarili sa panahon ng pagkagupo. Asahan mo balang araw, ikaw naman ang sinusuyo...

B-)