TULOY PO KAYO

Maligayang bati sa iyong pagbisita. Harinawari ay masiyahan ka sa mga salitang iyong mababasa at litratong iyong makikita. Ngunit maaari rin na malungkot ka at magdalamhati, magalit o matawa, mainis o masuka, o gumulong sa katatawa. Natural lang yon, tao lang, tuloy ang basa.

Paunang Salita

Ang bawat letra, salita, pangalan, lugar at sari-saring pa-ek-ek na kabaduyan at matitinong kahulugan ay kathang-isip lamang at hindi ito ginawa para maka-sakit ng tao. Wala ding nasaktan na mga hayop at insekto habang ginagawa ang "blog" na ito. Pakisuyo lang po..."Mag-alis ng muta, bago bumangon. At huwag mahiga buong maghapon."

Pero, paminsan-minsan ay may mga "blog" din na hinango sa totoong buhay, totoong kapighatian, totoong kaligayahan, totoong kabiguan at totoong tagumpay. Paunawa lang po..."Bawal mangulangot sa jeep."

Lunes, Agosto 31, 2009

"huwag ng malungkot"




Huwag ka ng malungkot., palipas na ang Agosto. Sa susunod na buwan, lalarga na tayo. Magsisikap ng tatlong buwan para may panaha sa pasko. Para may panghanda at pambili ng mga regalo...

Huwag ka ng malungkot, hiling mo ay masusunod. Kung gusto mo naman e, perahin na lang itong ihahandog. Baka gusto mong mamasyal doon sa Free Key Talk. Marami dong games na pwede mong i-download...

Huwag ka ng malungkot, nagpapatawa lang. Baka pwede na tayong magpunta sa kung saan-saan. Baybayin bawat isla nitong karagatan. O akyatin ang tuktok nitong dakilang bulkan...

Huwag ka ng malungkot, Setyembre na bukas. Lipas na ang unos, ayusin na ang karakas. Tama na ang drama, tama na ang iyak. Problema ay tawanan, lilipas din yan at kukupas...

¤

Linggo, Agosto 30, 2009

"ang kinabukasan"



"Nasa kabataan ang pag-asa ng bayan." Ang sinabi ng isang bayani na sa Luneta ay pinaslang. Oo nga naman, tingnan mo nga naman. Bakas sa kanilang mukha, ang magandang kinabukasan...

Kung ganito ang lahat ng bata sa buong mundo. Pinag-aaral ng walang bayad, hanggang sa matuto ng respeto. Uunlad ng walang dahas, malamang ang buhay ng tao. Maging ang paligid ay maayos, panatag at walang gulo...

Edukasyon lang marahil ang tanging daan. Ngunit kailangan lang ay walang maiiwan. Lahat ng batang nasa bundok o nasa lansangan man. Ay mabigyan ng halaga sa edukasyong inaasam...

↑↑↑

→"bayanino"←



Kaninong bayani, bayani nino? Sino ang umaani sa bayan ninyo? Ano ang iniuwi ng kababayan mo? Kilala mo pa ba si Lapu-lapu?...

E si Tandang Sora o Bonifacio? Jose Rizal kaya o si Hidalgo? Juan Tamad, Luna at Jacinto? Sino ang naiba sa mga ito?...

Eys naku, heto na naman tayo. Isang-daang taon na at mahigit, andito pa rin tayo. Kung nabubuhay pa kaya si Andres Bonifacio? Malamang patay din, katulad ni Aquino...

Ano ba ang meron sa mga bayaning ito? Bakit sila pinatay, bakit sila iginupo? Sadya bang matitigas ang kanilang mga ulo? O sadya lang kayang busilak, ang kanilang mga puso...

Kuntento na kaya tayong pilipino? O kailangan pang magdagdag ng mga rebulto? Kulang pa ba ang monumento? Alamin na lang natin sa mga mananalong tatakbo...




B
Ba
Bay
Baya
Bayan
Bayani
Bayanin
Bayanino
Bayaninoy
Bayaninoynoy
Bayaninoynoypi
Bayaninoynoypino
Bayaninoynoypinoy



Hoy! Gising!

Biyernes, Agosto 28, 2009

◎"pamilya"◎



Kilala mo pa ba ang iyong kapamilya? Alam mo pa ba kung taga-saan ang iyong ina? O kung saan ipinanganak ang iyong ama? Kanino mo nakuha ang iyong mga mata? Baka sa kalolololohan ng iyong lola...

May maputi, may maitim. May kagandahan at kagwapuhan din. May mataas, may punggok din. May mataba at meron ding slim...

At lumalaki, dumadalaga na. Ang iba nama'y nagbibinata na. Mga ibang kaanak, nadaragdagan pa. Yung iba nga diyan, hindi na magkakilala...

Mga ilan taon pa ay 'di na muling magkikita. Ang iba ay magtatrabaho na doon sa amerika. Ang iba nama'y mag-aasawa ng taga-europa. Hindi pa alam kung kelan, muling magkikita...

Mabuti na lang at may internet. Si lola, naka-skype, kausap ni Uncle Bobwit. Madali lang ang usapan, kumustahan to the limit. Mga kapamilya ay madali na, madali nang masisilip...

Click!.


◎◆☆ㄗㄚㄧㄤㄤ▲

Huwebes, Agosto 27, 2009

≈Ang Manggagalit≈




≈ Tingnan mo naman astig. Sa tipo pa lang, halatang katitinik. Hindi nagpapatalo, hindi napadadaig. Yan si Kino, Kino Manggagalit...

≈ Mautak na katoto, matalino rin pero maloko. Sayang lang at lumalaking problemado. Hindi nakapag-aral, hindi magiging edukado. Kaya hayan, laging nasa kanto...

≈ Mga tatlong taon pa, problema na ng bayan. Myembro na ng isang magulo at malulupit na ″gang″. At tatlong taon pa uli, titigas na yan. Handa ng kumatay kahit na sa anong laban...

≈ At habang tumatanda, lumalaki sa pagkakasala. Ang halimaw sa katawan lalong lumalala. Bumabangis, lumulupit sa mga mapagkumbaba. Tinubuan na ng sungay at buntot na mahaba..


≈≈↓≈≈

~"ang iyakin"~




≈ Uy bata, bakit ka umiiyak? Pinagtulungan ka na naman ba ng mga kalaro mong ungas?. Maliit ka kasi kaya sinasapak-sapak. Naka-blue ka pa naman, parang si Mar Roxas...

≈ Tahan na bata at pumapangit ang mukha. Huwag mo silang pansinin. Magmumukha ka lang kawawa. Kapag ikaw ay nasanay palagi kang luluha. Magiging iyakin, madrama at lalata-lata...

≈ Lumuluwa na yang mata mo. Puro sipon na yang damit mo. Hindi ka pa tumitigil dyan sa kaiiyak mo. Itigil na yang ungol mo at makilaro sa patintero...

≈ Bata ka pa, huwag mabalisa. Huwag problemahin kung talo ka nila. Hindi habang panahon na inaapak-apakan ka. Marami ka pang magagawa at dapat na makita...

≈ ↑ ≈

■"sugal"■



■ Hindi marunong sumulat. Hindi marunong bumasa.

Walang mga ama. Walang mga ina.

Pagala-gala, patakbo-takbo, sa malawak na kalsada.

Ang pinaglalaruan?. Pera at kwarta...

■ Tinanong ko ang isa. Bakit hindi kayo nag-i-eskwela?

Tumingin lang siya sa akin at sumagot ng 'Ha?'..

Tinanong ko uli 'Bakit 'di kayo nag-i-eskwela?'

Sumagot ang bata ng 'Wala kasi kaming pera.'...

■ E saan naman galing yang pera n'yong nilalaro?

Galing po 'to sa benta ng bakal at tanso.

Ang iba po ay limos, ang iba po ay hulog.

Penge naman kuya, kahit singko pesos...

■ Huwag na lang, isusugal mo lang.

Hindi po kuya. Ibibili ko po ng pan.

Wala pa po ako'ng kain. Wala pa po'ng agahan.

Sige na kuya, kahit dos na lang...

■ Yan din ang sabi mo sa akin kahapon.

Isinugal mo rin, para mo na rin itinapon.

Hindi na kita bibigyan, kahit na pisong bingkong.

Heto ang saging na pang-tawid sa iyong gutom...

■ Sa kalagayan nila, ang buhay ay sugal.

Palaging talo, kahit itaya pa ang buhay.

Walang kasiguruhan, sa numero nilang taglay.

Kanilang kinabukasan, itinataya sa sablay...




↓⊙↓

Martes, Agosto 25, 2009

◆"ang sining"◆




Ang langit ay sining. Nagtataglay ito ng liwanag at ng dilim. Kumukulay ang ulap sa bughaw at sa itim. Waring nagpipinta ng kanyang sariling damdamin...

Ang hangin ay sining. Ang nagpapakilos sa mundo, sa araw at sa bituin. Ang hininga ng buhay, halimuyak ang laging kapiling. Sumasayaw-sayaw kahit hindi napapansin...

Ang lupa ay sining. Eskultura ng kalawakan kung ito ay wawariin. Sari-sari ang hugis, kumikilos ng 'di pansin. Tulad ng mga planeta na sa araw ay nakakiling...

Ang tubig ay sining. Bagay na sa liwanag, lumalabas ang ning-ning. Parang pelikulang kay hirap-hirap hanapin. Sa buong kalawakan ay iisa lang kung ituturing...

Ikaw ay sining. Babae kang kapansin-pansin. Kagandahan mo'y walang kahambing. Sa lahat ng nilalang ikaw ang pupurihin...

Ako ay sining. Katangi-tanging alay na kumilos at sisihin. Tapunan ng galit makasalanan kung ituring. Palibhasa lalaki, maraming ibig na gawin...



▲△ㄆ★ㄔ♀♂ㄘ▲

Tulang payti


Aba! Ano? Baling-bali ka?, kung saan-saan ka nagpupupunta., matagal-tagal na rin na di tayo nagkikita, kelan ka uuwi? O uuwi ka pa ba?. Ngano ma't di mawalay ala-ala sa Bangkusay, ang pag-inom sa Maytoong?, na kagana-ganang tunay.
Sa Ibaba..., may wawa, kung saan tayo ay namamangka, ke me huli o wala, punta na lang sa talipapa.
Marami raw magaganda don sa Ilaya? E ayaw patalo ng Quinale at Ermita, baka sa Bagumbayan merong bisita?, Mamimili ng ukit at kakain ke Benga.
Bae.., binay-an.., pasingaw at minukmuk, puto at lugaw, palutang na ayos!!. Baling-bali laang., wala ako?, ni kalikot . Gusto kong kumain kahit bibingkang itlog..
Tuk tak tak tak tunog ng umaga, palo sa pang-ukit , sa kahoy, humahalina. Hudyad ng araw saliw ng kinikita, ang mag-ukit, tunay na kasinta-sinta. Mabuhay ka! San ka man mapunta?. Kaibigan, kadugo, kapayti-payti kang talaga.

◇"laro"◇




■ Sige bata laro lang ng laro. Habang malakas ka pa tumakbo lang ng tumakbo. Namnamin mo ang saya at sarap ng paglalaro. Kapag tumanda ka na lagi ka nang nakaupo...

○ Hoy! Tikboy tawag ka ng nanay mo! Bumili ka daw ng suka at magluluto ng adobo. Sabihin mo ay sandali lang taya pa ako. O kung gusto mo ay ikaw muna dito...

● Hala ka, sige ka, palo ang aabutin mo. Ikaw din baka hindi ka makalayas ng isang linggo. Taym-awt muna uwi muna ako. Ituloy na lang natin sa pagbalik ko sa sabado...


Lunes, Agosto 24, 2009

▲"sayaw sa kalikasan"▲



▲ Ang sayaw ay alay para sa kalikasan. Pasasalamat ang taglay sa ani ng kasaganaan. Ligaya ang dulot sa buong sambayanan. Kultura ay umusbong sa talino ng kasaysayan...

Sagana itong paligid. Mga halaman na sa bunga ay hitik. Walang nagugutom, walang nagtitiis. Masaya ang lahat, mula sa biyayang nakakamit...

Sayaw, sayaw. Ipahiwatig sa galaw. Pag-ibig, pagmamahal. Ibahagi ng buong layaw. Tulad nitong batis, pumapawi ng uhaw. Tulad nitong liwanag na alay ni Haring-Araw...



▲◎▲

○"paumaga"○



Dahan-dahan ng lumiliwanag. Gising na ang sanggol mula sa gabing mapanatag. Tilaok ng manok, maririnig mula sa gubat. Kasabay ng huni ng ibon sa bulaklak na busilak...

Mga hamog sa mga dahon, diamanteng parang sinag-tala. Tumitingkad ang kulay, mula sa liwanag na tumatama. At ang simoy ng hangin ay tunay na humahalina. Hatid ay panatag, tuwa at ligaya...

Handa na muli sa umagang marikit. Mga batang bagong ligo at bihis na bihis. Papasok na sa eskwela bit-bit na ang mga gamit. Handang-handa ng matuto upang kaalaman ay makamit...

At sa bawat paglakad, sa bawat paghakbang. Tatahakin nila ang kasalukuyan. At sa muling pagbukas nitong paaralan. Handang-handa na silang kumanta ng "Lupang Hinirang"...


★★★ ◎

Linggo, Agosto 23, 2009

●"Kadayawan"●



Panahon na naman ng Kadayawan. Mga tribu ay bumaba mula sa kabundukan. Upang maghatid ng ligaya sa tanan. Indak-indak sa kadalanan...

Sayaw-sayaw sa tugtog ng alingaw-ngaw. Ipinagbubunyi ang kultura ng Dabaw. Makikita sa damit, makikita sa galaw. Ang sumayaw sa kalikasan ay biyaya araw-araw...


Sabado, Agosto 22, 2009

△"tutyanak"△



Dinadalaw na naman ako nitong tutyanak. Asong maliit na parang tiyanak. Makulit, nang-iinis. Sumusugat ng walang lunas. Paano kita tatakasan, damuhong tutyanak...

Bwisit nakakaìnis, nilalason itong aking isip. Hindi makakilos kahit anong pilit. Inaagaw,kalayaan kong nais...

Alulong dito, alulong pa diyan. Kahol dito, kahol pa rin diyan. Wala na yata, akong mapaglagyan. Saan man akong magpunta, palagi kang nandiyan...


Tantanan mo na ako, hindi ako maka-angat. Nabubulabog na ako, hindi ako makalipad. Makita lang kita, puso ko ay nabibiyak. Tuwang-tuwa ka pa habang ito'y nalalag-lag...

Tutyanak, tutyanak. Umalis ka na sa aking landas. Huwag kang lalapit, huwag kang yayakap. Hindi ko kailangan ng kahol mo at sumbat...



Tutyanak pakiusap, tama na ang sakmal, tama na ang kagat...




Biyernes, Agosto 21, 2009

⊙"ang baliw"⊙



Gusto kong ibigay ang lahat ng gusto mo. Karangyaan kaligayahan dito sa ibabaw ng mundo. Hahamakin ko ang lahat, gumanap lang para sa iyo.
Walang makakahadlang sa makamundong nakahihilo...

Ngunit ako'y aba, walang pag-aari ni kahit isa. Walang kayamanan na inaasam mo sinta. Ang tanging alam ko lang ay umupo at kumanta. At sumulat, umukit o kaya ay magpinta...

Hindi ko kayang gumawa ayon sa gusto ng iba. Matigas ang ulo ko hindi ako nagpapadikta. Tadtarin mo man buto ko't kaluluwa. Hindi ako maaantig, patayin man sa dusa...

Mahal na mahal na mahal talaga kita. Walang maihahambing sa anong sarap na ligaya. Pag-ibig ko sa iyo'y walang kasing wagas na pagsinta. Ngunit hindi ako angkop sa mundo mo'ng maharlika...

Kaya ngayon andito lang ako. Ganoon pa rin, walang pinagbago. Maiinis ka lang sa akin kapag tititigan mo. Kasing-tigas pa rin ng baliw at ng sira-ulo...



⊙↑⊙

Huwebes, Agosto 20, 2009

⊙"B71"⊙



Panahon pa noon ng diktador. Na kung saan ay uso na ang musikang pinoy. Panahon ni Maria Cafra, Nena at Iskul Bukol. Hindi ko pa alam kung sino nga si Kenkoy...

At may biglang sumabog sa Plaza Miranda. Walang isang taon, martial law na pala. May gatas pa ako sa labi ng mamulat sa pulitika. Palaging may karpyo, maraming militar sa kalsada...

Palagi pa noon walang kuryente. Hindi pa uso ang colored, black and white pa ang tv. Palaging may gulo, mainit ang ulo ng marami. Marami rin ang nagtiis na kumain ng kamote...

At may isang tao na hinuli at ikinulong. Itinago sa lahat upang huwag makapagsumbong. Nangulila at nagkasakit sa Amerika ipinatapon. At nang gumaling ay bumalik para patayin lang ng ganun-ganon...

Ngunit ang bayan ay nagalit sa nakita. Nag-aklas, nagwala, ibinaling sa pulitika. Mga kabataan ay hindi na pumapasok sa eskwela. Andoon at nagra-rally patungong Mendiola...

Nasobrahan na tayo ng hindi magandang kasaysayan. Mga mabubuti ay pinatay at pinaslang. At ang inaakala nating mamabuti at maiinam. Wala ring binatbat, mga wala rin pakialam...




⊙ kailan maiibsan ang kabiguan at kahirapan ⊙


↑"kilos na"↑



Tara! Tumuloy na ta! Huwag ng umasa sa tulong ng iba. Mas malala pa sa atin ang problema nila. Tayo na munang mag-kanya-kanya...

Dahil ang sa iyo ay kanila rin. At ang sa kanila ay kanila pa rin. Panahon ng ikilos ang lakad natin. Huwag na natin silang hintayin...

Maya't-maya'y nagpapalit, kagagastos, kasuswitik. Panay pasyal, panay kupit. Pinabayaan na tayong maliliit...

Tara na! Tara na! Baybayin natin ang liwanag ng pag-asa. Kung saan walang gulo, walang kaba. Kung saan ligtas ang bukas ng aba...

Mabulaklak na pananalita. Taun-taon ginagawa. Pangako sa buong madla. Basang-basa, nalalata...

Pangako ay nahihilaw. Nabubulok sa kalalayaw. Dumarami ang naliligaw. Sa karangyaan, laging uhaw...

Tara na! Tara na! Aasa ka pa ba? Namuti na ang buhok sa kahihintay ng pag-asa. Kumulubot na ang balat, tumigas na at kumunat. Huwag na nating hintayin, huwag na tayong magpabukas...


:alay sa mga kabataan na lumusob sa Mendiola:


↑⊙↑

Miyerkules, Agosto 19, 2009

≈hindi ko alam≈



At sa aking pagmulat mula sa pagkakatulog. Nakita ko ang mundo sa kakaibang hubog. Naalimpungatan ako at hindi mapagtanto. Basahin natin sa iginuhit nitong puso...

May ina may anak, may taong naglalakad. May matang nakasilip sa mukhang naka-baligtad. At sa hindi kalayuan ay may bundok at may dagat. Meron mukhang nakangiti, meron din umiiyak...

Saan nagmula ang lahat ng ito? Ano ang dahilan at bakit tayo nandirito? Bakit tayo ang saksi sa pag-ikot ng mundo? Tayo lang ba ang may buhay sa pagkalawak-lawak na galaktiko?..

Sa bawat katanungan ay maraming kasagutan. At sa bawat kasagutan ay marami rin katanungan. Ngunit ang lahat ng ito ay walang katiyakan. Kung saan ang hangganan yan ay hindi ko rin alam...




:mula sa pagpapalaya ng isip at damdamin ng may-akda sa pagsulat at pagpinta:


←↑↓→

Martes, Agosto 18, 2009

↑"pahiwatig"↓



Ano ang sa akin ang gusto mong ipabatid? Ano ang iyong sadya, hindi ko maisip? Ano ang aking magagawa, wala akong bait? Kung meron kang sasabihin, ayaw kong marinig...

Tumitintig ang balahibo, kinikilabutan pa ako. Nanginginig itong tuhod ng ako'y hawakan mo. Naluluhang napipikit hindi mapagtanto. Kung papaano ko mailalahad, ang pahiwatig nitong sugo...



*

¤"init at lamig"¤



Kakaibang yugto sa pambihirang pangungusap. Liwanag at dilim nagsasaping daop-palad. Pangyayaring gagilagilalas. Simula na ng panibagong panahong magaganap...

→↑~↓←

¤"sa ulap"¤




¤ Sa rehas ng alapaap aking nababanaag. Ang init at lamig, nagtatalik ng buong lawak. Lumilikha ng sandali na sa lahat ay ipamamalas. At ang anak nilang si Buhawi sa lupa ay aapak...


¤↑¤↓¤↑¤↓¤↑¤


Lunes, Agosto 17, 2009

□"Reyna at Hari"□



Itong reyna at hari ay may dalawang palasyo. May spiritual leaders din, dalawa rin ito. Meron ding militar na dalawang kabayo. At walong magigiting na sundalo...

Ngunit hindi kumpleto kung walang katunggali. Syempre ang kalaban ay reyna rin at hari. Pareho din ang tauhan, iba lang ang may-ari. At sa labanang ito, isa lang ang dapat magwagi...

Una tira ang puti. Ubusan agad ng lahi. Lahat ay gagawin, huwag lang masukol itong hari. Isasalba ang lahat kahit palasyo ay ibawi. Kahit malagas ang sundalo. Ngiti lang ng hari ay mapanatili..

At tumira ang itim laban sa puting mapaghamon. Mga sundalo niya'y matyagang binaybay ang pasulong. Alagang-alaga ang bawat kilos at pag-ahon. Idinidepensa ang kaharian nitong reynang ikinakahon...

Patuloy ang laban, gitgitan patayan. Kain dito, kain doon. Walang humpay na ratratan. Hanggang sa nauwi sa padamahan. Sa kahuli-hulihan din ay tabla ang kinalabasan...

Tabla ang naging laban nitong dalawang kaharian. Ang kalunus-lunos lang ay ang mga namatayan. Mga naulilang miron na nagpanday ng kasaysayan. Walang naging silbi ang madugong labanan...



Linggo, Agosto 16, 2009

◎"tourist spot"◎




◇ Hey yo! What's that? Sabay turo ng "foreigner" na nasa "bus".
△ That's habal-habal with umbrella on top. He sell food, coke, pepsi and pop. Tugon naman nito'ng pinay na tourist guide. With matching combination to the max...

◎ Pati tuloy ako napasilip sa bintana. Habang nakatigil itong bus sa kanto Juna. Napag-isip isip ko na oo nga, hindi nga. Ang pinoy talaga, mapamaraan dito sa sariling bansa...

◎ Sayang lang at 'di pansin ng mga kapwa-pinoy dito sa atin. May talento kahit saan dalhin. Kapwa-pinoy ang umaabuso sa atin...

◎ Hindi naman tayo kayang lokohin ng mga dayuhan. Kahit sa ibang bansa, hindi tayo nagugulangan. Mapa-european, american man o canadian. Bilib na bilib pa nga sila sa ating kakayahan...

Wala ng iba pang tatalo sa pinoy kundi ang kapwa pinoy. Walang manghuhudas sa pinoy kundi kapwa rin nya pinoy. Walang magtataksil sa bayan kundi pinay man o pinoy. Walang mag-aangat sa mga pilipino kundi tayo rin yon Hoy!..


- O sabay-sabay...
HOY! Pinoy ako... ... ..



★★★ ◎

△"Simba"△



△ Uyy! Gising na at magsimba. Pakita ka naman sa Diyos at pabasbas ka. Dumarami na ang sungay ipaputol mo na. Pati yang buntot mo humahaba na...

▲ Sus! Para ano pa para ako magsimba. Gusto mo bang matumba mga rebulto ng santa. Nasa pinto pa lang ako lumilindol na. Paano pa kaya kung ako'y nasa loob na...

△ Ok lang yan. Sa simula lang yan. Masasanay ka rin, gawin mo muna buwan-buwan. Magdasal ng mataimtim upang grasya'y makamtan. Sa paggawa ng mabuti ito ang iyong sandigan...

▲ O sige na nga. Magdadasal na nga. O Panginoon ko ilayo mo sa masama. Itong marupok ko'ng puso ikaw na ang bahala. Maging isipan ko malinawan na kusa. Gabayan mo ako O hari ng awa...



Sabado, Agosto 15, 2009

☆"Susie Cute"☆



Hi Obet. I'm one of your big fan. Your so cute and pogi. Pey-kiss nemaen jan. I am Susie, one of your kababayan. Here in Oslo, Norway, I am now a european...

Uyy, salamat, mabuti ka pa. Ang galing mo a!, pa'no ka diyan napunta? Maganda daw dyan ah sa lugar ng Europa. Gaano ba kalaki ang bangko ng Geneva?...

Ikeyw telega, palaebirow. Aenak aekow ng maeg-asaewaeng pinay at kaenoe. I love your poems, its so brand new. And now I'm proud to be a filipino...

Uyy, sori, mestiza ka pala. Siguro ang ganda mo parang artista. Kaso nagdadalawang isip ako kung ano ka talaga. Filipino kasi ang sabi mo hindi filipina...

Ikaew telaegae your so cute. I'll send you my photos..., or I'll call you..., so you can hear my voice. Make me a poem nemaen please., yung lovely and cute. and dedicate it to me para mas very cute...

Kanina ka pa dyan cute ng cute. Palitan na lang natin ang pangalan mo ng cute. Pero tingnan ko muna ang photo mo kung cute. Baka kasi hindi cute kundi acute...


chat end...

;-)

■"Peping Bubwit"■



○ Peping bubwit.. Huyy, Peping bubwit. Tawag ka ng ina mong inis na inis. Uwi ka na raw baka ika'y mabakis. Kalalayas mo bubwit..

■ Eiyss.., naku, inggit ka lang. Tapang bahay, duwag-parang. Kasiswitik. Kasaswapang. Ubos-ubos biyaya. Namannn...

○ Abaaaaha., kapapalasagot.
Baka ika yi pitikin ko sa itlog. Pingutin kaya kita at kagatin sa ilong. Kutusan kita dyan sa bukul-bukol mong tumbong...

■ Eyh!., kaiingay mo!.. Baka ika'y i pahiran ko ng kulangot. Aba yi sino? Sinong bastos? Si Viring labas ang kuyukot!..

○ Ehh..., mas gusto ka lang. Kung di ko pa alam may gusto ka kay Joan. Sabi ni Indang na mukhang bakukang. Yung galisin labas lagi ang tyan...

■ Suusss., selos ka lang. Wala kasing nagkakagusto, mukha kang tikbalang. Kung maligo pa'y kulang-kulang isang buwan. Amoy luga, uhugin, mutain, kulangutin, gatilin, himain at kung anu-ano pang in-in...


○ ....whhhaaa...huhu.. ìsusumbong kita. Huhu.. Kamanggagalit mo...


■ Nyenyenyeyenyenyehh...




:-D

Biyernes, Agosto 14, 2009

¤"sabi ni Florante"¤



Pag-ibig na lang ang ating isipin. Digmaan ay malupit kung ito ang saloobin. Sana'y away ay iwasan at alisin. Dahil sabi ni Heber ay wagas na pag-ibig rin...

Ganoon din ang sabi ng Apo. Pag-ibig din ang tumatangan sa iyo. Sa munti mong mga kamay na hawak ng nanay mo. Pag-ibig na hanggang langit tunay na nasa iyo...

Ito rin ang sabi ni kaibigang Freddie. Pati ni Sampaguita at katoto'ng Joey. Pati na ang nagmamahal kay lolo Jose. Maging ang Asin, pag-ibig din ang sinasabi...

Kung walang pag-ibig ay beh buti nga. Para lang langgonisang maong na nakatunganga. Balatkayo lahat sangkatutak na balakubak. Juan dela Cruz, pakinggan ang halik ni Hudas...



^¿^ :-* ^¿''

~"hangin" ς"apoy" △"lupa"



Ako ang espiritu na sa iyo ay nagpapa-hinga. Ako buhay na sa iyo ay nagpapa-gana. Ako ang galaw na sa iyo ay nagpapa-ginhawa. Ako ang hangin na sa iyo ay nagpapa-sigla...

Ako ang espiritu na iyong ginagalawan. Ako ang buhay na iyong nilalakaran. Ako ang nagmamay-ari ng iyong katawan. Ako ang lupa na iyong kinagisnan...

Ako ang espiritu ng iyong liwanag. Ako ang buhay na sa iyo ay nag-pa-unlak. Ako ang init na sa iyo ay lumalagak. Ako ang apoy ng pag-ibig na sa iyo ay nagpapagalak...


~ ς △

Huwebes, Agosto 13, 2009

^"Agosto"^



Ano ba ang meron sa buwan ng Agosto? Marami ang nagaganap kapag sumapit na ito. Makasaysayan talaga ang buwan ito. Tulad ng pagkakapaslang kay Ninoy Aquino...

Hindi lang yon marami pa. Kadalasan sa mga ito ay mga kontrobersiya. Tulad ng pagkain ng pangulong Gloria sa America. Ang pagkamatay ni Cory, ina ng demokrasya. At ang pagpatol ni Willie sa ere kitang-kita...

Naging kontrobersyal rin para sa national artist. Init sa ulo ay sadyang hindi maalis. Nagbabatuhan ng salitang hindi kanais-nais. Pati daw panahon ay wari nang naiinis...

Mukha ng problema itong buwan ng Agosto. Dumarami tuloy mga walang trabaho. Dumarami ang nagugutom, dumarami ang gago. Dumarami ang tarantado sa walang humpay na pang-iinsulto...

Nasaan na kaya ang pagiging kristiyano? Ang pagmamahal sa kapwa bilang isang tao? Maka-Diyos pa ba? O ginagamit lang ito? Para sa pansarili, matupad lang ang gusto?...

Sige sagasa, sagaan na ang lahat. Sige sumbat, sumbatan na ang lahat. Tulad ng kabayong nagwawala at nagpapapadyak. Naninipang walang humpay, alipin ng harabas...

At ngayon ay a-trese na, a-trese ng Agosto. Ano pa kaya ang magaganap, may alam ka ba katoto? Birthday ngayon ni Uman, inuman na nang todo. Pero hindi ako makakarating, kasi ang layo ko...

O pano, hanggang sa muli amigo. Kung wala kang pera ok lang yon pareho tayo. Lilipas din itong malalakas na bagyo. Baka sa susunod na buwan, ayos na ayos na tayo...



^¿^

Miyerkules, Agosto 12, 2009

¢"gastos"¢




Magastos pala maging presidente. Magastos rin pala kung kaibigan ka ng presidente. Magastos! Magastos! Isang bagsak na dagok. Isang bagsak, busog. Isang bagsak, ubos...

Nakakainggit. Nakakainis. Sabi nitong aleng may akay na paslit. Buto't balat niyang anak, kulangot ang sinisipsip. Habang namumulot sa basurahan ng intsik...

Pinag-uusapan na ng buong bayan. Lalo na ng mga taong mga wala pang hapunan. Nakaupo sa jeep, habang natatrapik sa daan. Sa tagal ng byahe, presidente ang pingbuntunan...

Nakisawsaw na rin mga istambay sa kanto. Kiniwenta ang milyon sa katumbas na hilo. Ilang trak na alak na, ang katumbas nito. Isang bahay na mani, para sa libo-libong platito...

Naasar na rin itong dalagang titser. Pero sa principal nyang sosi. "Okey lang yon sister. Peso kasi dito at dollar naman there. Saka hindi umabot ng milyon, seven hundred thousand plus lang my dear."



¢¢¢,¢¢¢.¢¢



Ikaw? Ano sa tinggin mo? Kaya pa ba o hindi na? Sanay na ba sa gutom? Manhid na ba sa pag-asa? Wala na yata? Wala na? Makakamit pa ba natin ang gloria?


$

$"sindikato"$



Dumarami ang mga gago. Sa internet may nanloloko. Tungkol sa babae na humihingi ng payo. Tulungan daw siya na maka-alis sa sindikato...

Padadalhan ka ng email na may kasamang litrato. Hahanga ka sa ganda, sa kinis panalo!. Swabe talaga, maka-in-lab ka katoto. Tutugunin mo sya na parang kang nahipnotismo...

Mga ilang email pa, hihingan ka na. May ipapakausap sa iyo na pari na padadalhan ng pera. Siya daw ang kumukupkop sa magandang dalaga. Siya din daw ang tumutulong sa kaawa-awang dalaga...

Sa bawat email ng dalaga. Kalakip ang kanyang istorya. Anak daw sya ng pinaslang ng mayaman na papa. At ang papa ay may pera sa swiss bank at america. Hati daw kami kapag ito ay nakuha...


Ano? Papatulan ko ba?

① Yes - dahil maganda na yayaman ka pa
② No - dahil pinoy ako hindi basta-basta naloloko



★★★ ◎

Martes, Agosto 11, 2009

⊙"Bablo"⊙



Resulta ito ng mag-asawang masungit. Kawawang bata ipinanganak na pangit. Ipinagbuntis sa away, murahan at galit. Kaya heto super swangit...

Bug-bog sa pintas, laging umiiyak. Palaging binubugbog ng tatay niyang parak. Inaalila, sinasampal ng nanay nyang hinayupak. Sa kanya pa isinisisi ang malas na dinaranas...

At ng maulila. Inampon na ang bata. Inampon ng tumboy na si Rina Hatata. Pinalaki ang sanggol sa maayos na kusa. Pero kung minsan may oras na ang bata ay nagwawala...

Batang iyakin, makulit at sumpungin. Habang lumalaki, ang hirap nang awatin. Gumagalas, umiingay, masyadong magugulatin. Kagagalawgaw, kagagarutay na bading...

Pangalan niya ngayon ay Babla. Lapitin ng mga lalaki, hingian ng pera. Tumama kasi lotto, dumami ang kwarta. Dumami ang kaibigan, naging reyna ng kalsada...

Tinggan mo nga naman ang kapalaran ng tao. Hindi mo maisip kung patas ba o talo. May sinuswerte, minamalas at may naloloko. Kaya huwag maniwala, kuwento lang ito..


:mula kay Luka Ret (bespren ni Babla):


⊙ kathang-isip ⊙

Lunes, Agosto 10, 2009

♀"ang hirap"♀



Mahirap din pala ang ganito'ng kalagayan. Kapag "sexy" ang syota mo, ang hirap sa kalooban. Lalo na kung magkasama kayong naglalakad daan. May sisigaw na "wow sexy pahipo naman dyan"...

Madalas tuloy akong napapaaway. May pagkakataon pa na muntik nang makapatay. Sabihan ba naman akong hindi raw kami bagay. Sabay sigaw ng "Wuu! Talo! Miss! Sakin ka na lang sumakay!"...

Marahil ay seloso lang ako. Ang pangit ko kasi, mukhang takip ng kaldero. Puro pa tagihawat, may peklat pa sa noo. Kasing taba ng baboy, kasing taas ng poso...

Ewan ko ba kaibigan. Pwede mo ba akong payuhan? Kung ano ang makabubuti para sa aking kalagayan. Hirap na hirap na ako, palagi na lang ganyan. Baka "sexy" kong gelpren ako'y hiwalayan...

:mula sa e-mail ni Estong Tutong na kung lumamon ay sagad hanggang tutong:

Tugon para kay Estong

Mga Payo:
① pagsuotin ng helmet ang gelpren
② magsuot ng headphone para walang marinig
③ magpapogi
④ mag-star margarine para tumangkad
⑤ mag-aral ng martial arts
⑥ uminom ng slimming tea
⑦ maligo araw-araw
⑧ bawasan ang lamon

↑↑ㄕ↑ㄘ↑↑ㄙ↑ㄜ↑↑


Sabado, Agosto 8, 2009

● Malikmata ●



● Guni-guni tuwing gabi. Dinadalaw ng paniki. Kuwago ay humuhuni, may sigbin na katabi. Bumubulong ng huhiii,huhiii,huiii...

● Nakakakilabot na tugtugin. Maririnig sa kabilang ding-ding. Dugo ay nagkalat sa sahig ng hardin. May impakto!, may demonyo!. Oras na!. para tumakbo. I-angat na ang paa, wan-tu-tri TAKBOOO!!..

● Sari-saring engkanto ang sasalubungin. May bayag sa ilong, dedeng may ngipin. Ulo ay walang mata, nasa titi nakadiin. Malaki ang tainga parang dahon ng saging...

● Kring.., kring.., anong klaseng kulingling. Beep..., beep... Bangon na at gumising. Bangkleng..., bangkleng... Magsimba na at humiling.. Na huwag sanang muling dalawin ng masasamang pangitain...



●●●●●●●▲●●hhiihiii

▲"Mukha ng Kinabukasan"▲



◎ Gulagulanit. Punit-punit. Naluluha itong munting paslit. Pulang-pula ang hinagpis, punung-puno sa hinanakit...

Walang panahon na maglaro. Sa lansangan ay nakaupo. Nanghihingi, nanlilimos. Kalong ng ina na uugod-ugod...

Barya-barya. Tunog ng pag-asa. Sa kalawanging butas na lata. Wala pang kain, kahapon pa ng umaga. Butas na sikmura'y masisidlan pa ba?...

Pagulong-gulong sa tabi ng kalsada. Ulanin at arawin, tuloy sa pamamarya. Tuyot na lalamunan, sa ulan umaasa. Pinapawi ang uhaw sa imburnal na basura...

Tagpi-tagping karton, bahay na may gulong. Tahanan na sinlaki, kasing-laki ng kabaong. Saan papadparin itong bunga ng kahapon? Sa mukha ng kinabukasan, sino ang tagapagtanggol?...



△△△△△△△△△

Biyernes, Agosto 7, 2009

~"Ilog"~



~ Napakalumanay nitong ilog. Napakasarap tingnan tahimik niyang agos. Mga bato sa gilid tahimik na nakayupyop. Mainit ang araw, simoy ng hangin ay ayos...

≈ Pero wag kang pupunta ng gabi sa ilog. Lalo na kung umuulan tumataas ang agos. At kapag nakarinig ka ng dagundong at pagsabog. Tumakbo ka na sa mataas-taas na bundok...

~ Napakaaliwalas ng paligid sa ilog. Mga huni ng ibon malinaw kong naaarok. Ang linaw ng tubig. Masarap uminom at maghilamos. Ahh,saraaap, lamegg.., ayos na ayos...

≈ Kailangan na nating umuwi at gumagabi na. Baka may bagyo, langit ay dumidilim na. Tara na! Tara na! Uwi na 'ta! Tara na't umaambon na...

△"sarili"△



△ Ikaw, ako, sila, tayo. May pusong mararamdamin, may isip at talino. Papaano mo ginagamit ang biyayang tinatamo? Saan mo dinadala ang hangarin ng puso?...

▲ Ako pa ang tinanong mo, wala ako n'yan. Putangina mo!¡ ginagago mo ako kabayan. Wala akong ina, lumaki sa lansangan. Wala rin ama, apelyido ko nga! 'di ko alam...

△ Pagmamahal laman ang iyong sandigan. Tulad ng punong-kahoy na ang bunga'y walang patlang. Tulad ng bahaghari mula sa init at ulan. Tulad ng lupang umaaruga sa palayanan...

▲ Hay naku! Tol ang kulit mo. Ni wala nga akong makain pagmamahal pa yang sinasabi mo. May pabahaghari-hari ka pa, ano ka hilo? Paano ako makapag-iisip e walang laman sikmura ko...

△ Simulan natin sa ating sarili. Hanggat maaga, gumawa ng mabuti. Ang ibinigay ay sya ring ganti. Magtiwala kang ikaw ay bubuti...

▲ Ewan ko ba? Bahala na? Kung may tutulong ba e di maganda? Pero kung wala siguro mabuti pa. Patayin mo na lang ako at ipakain sa buwaya...


:▲△▲△▲△▲△▲:

Huwebes, Agosto 6, 2009

△"Pilipinas"△



Muli kang naibalik sa mapa ng mundo. Nasaksihan ng lahat ang mga tunay na pilipino. Mapagmahal, mapagtiis. Dalisay at mapanibugho. May dignidad na matatag hinding hindi pagugupo...

Panahon na muli na tayo ay mabuo. Pag-isahin ang damdamin at sa Diyos ay isuko. Kristiyano man o Muslim. Buddhìsmo man o Katutubo. Sa kapanatagan ng pagbabago. Doon tayo nagkakasundo...

Likas na sa mga pilipino ang galing at talino. Matapang matatag hindi patatalo. Mahirap pasukuin ano mang hirap pa nito. Sa sipag at tiyaga palaging determinado...

Ngunit may pangilan-ngilan na marupok ang kalooban. Mahina ang puso sa labis na kapangyarihan. Natutong magnakaw. Ano kaya ang dahilan? Nilulunod ang sarili sa apoy ng kalayaan...

Ang mapaglabìs ay sukdulan sa kaligayahan. Gusto pang makamit ang kakarampot ng ilan. Diskriminasyon sa antas nitong ating kabuhayan. Hinahayaan na magpa-alipin, kayumangging-lahi sa dayuhan...

Simulan nating muli. Pilipinas ay iangat. Marangal na tao. Marangal na bukas. Magdangal ka pilipino ng respeto ay malasap. Upang paggalang ay maibalik saan man tayo mapadpad...



DAHIL MAS MASARAP, ANG MAGING TUNAY NA PILIPINA AT MAGING TUNAY NA PILIPINO


Miyerkules, Agosto 5, 2009

○"bawat"○



May hangganan ang lahat, doon ang tungo ng lahat. Tulad nito'ng dahon na sa puno ay nalaglag. Liliparin ng hangin, sa kabilang dako mapapadpad. Iaalay ng buo sa lupa ang pagliyag...

Ngunit hindi doon natatapos ang wakas. Sa pagbabago ng kulay, liwanag ay mababanaag. Kisapmata sa pag-asa, likas na magpapaalala. Sa mga ligayang naidulot ng bango at ganda...

At sa bawat pagpatak sa panahon ng taglagas. Bulaklak ay uusbong maghahatid ng halimuyak. Tanda na magbubunga ng tamis at galak. Bunga na hitik sa kapanatagan para sa lahat....

Namnamin mo ang alay nitong halaga ng buhay. Lasapin mo ang tamis ng makabuluhang saysay. Mapagmahal na puso ito ang iyong patnubay. Iuukit ng tadhana ang busilak na tagumpay...


○○○○↑○○○○

●■"magkaisa"■●



Magkakaisang muli ang pinagtagpitagping budhi. Kasaysayan ang nagbuklod sa payapang minimithi. Isa na naman ang namaalam sa kayumangging lahi. Hudyad na ba ito ng panibagong pighati?..

Tapos na ang pag-asa. Tapos na ang umasa. Panahon na ng pagsubok sa puso ng bawat isa. Panahon na naman muli na tayong lahat ay magkaisa. Panahon na naman muling sumigaw ng DEMOKRASYA!...

Kaya natin ito, magpakatatag ka. Ubusin ang luha, ibaling sa masa. Ano ang iyong naririnig? Ano ang iyong nakikita? Dignidad, integridad, simulan na...

Ikaw, ako, tayo, sila. Wala naman halos na pinagkakaiba. Pare-pareho tayong lumuluha at humihinga. Pakiusap ko po sa lahat, tayo ng MAGKAISA.


↑↑↑↑↑↑↑↑↑↑↑↑↑↑↑↑↑↑↑

Martes, Agosto 4, 2009

"Inang Mahal"



Sagad hanggang buto itong aking kalungkutan. Sapul ng ikaw ay umalis at tuluyan ng lumisan. Nagdurugo itong puso, sugat ay nadaragdagan. Hindi ko mapigil ang luha ng pagdaramdam....

Sumisigaw ang pananabik na muli't muli kang mahagkan. Humihiyaw ang puso ko sa labis na kapighatian. Para akong nauupos na kandilang naghihintay ng kadiliman. Para akong bangkay na malamig pa niebe ng kanluran...

Paano na ako ina kong mahal? Nasanay na ako na palagi kang nandiyan. Ikaw ang takbuhan sa tuwing ako ay nasasaktan. Sino na ang mag-aaruga sa marupok kong isipan?..


Lunes, Agosto 3, 2009

ㄇ Takbo! Takbo! Takbo! ㄇ



◎ Takbo! Kilos Takbo! Sigaw nito'ng batang bibo. Malakas, matikas, aktibo. Sa pagkakapanalo ay determinado...

◎ Ayaw padadaig, ayaw magpatalo. Ginagawa ang lahat para kanya ang panalo. Puro pandaraya ang laman ng ulo. Nang lumaki ang bata, namulitiko...

~ Takbo! Takbo! Tatakbo ako! Tatakbo ako doon sa kongreso. Aabutin ko ang pinakamataas na pwesto. Para sa susunod, senador na ako...

~ Takbo uli! Takbo! Sa pagka bise presidente, lyamado ako. Walang kalaban, akin na 'to!. Akin na ito'ng ikalawang pwesto...

~ At heto na! Heto na! Ang pinakahihintay kong arangkada. Ako na ang presidente, ako na ang bida. Akin kayong lahat, pati kayamanan n'yo at dignidad...

◎~◎~◎~◎~◎

Malapit na ang eleksyon. Bantayan ang boto at harinawa ay mapili natin ang karapat-dapat na pangulo sa 2010 ng Mayo.


★★★

Sabado, Agosto 1, 2009

★"Ninoy-Cory"★




Nagdurusa, nagdaramdam. Nalulungkot sa kapighatian. Lumuluha sa dalamhati. Bakit ngayon ka pa lumisan?...

Habang itong bayan lugmok pa sa kahirapan. Sino na ang magtatanggol ng demokrasya at kalayaan? Sino sa kanila ang dapat na pagkatiwalaan? Sino ang magtatanggol at susupil sa karukhaan?

Baka lumala lalo ang korapsyon at nakawan? Baka dumami lalo ang gulo at bangayan? Baka bumagal lalo ang kilos ng pamahalaan? Baka mag-aklas lalo ang buong sambayanan?..

Sana naman ay kabaligtaran? Sana naman ay tumatak na sa isipan? Sana naman kayo ay amin tularan? Sana kami ay maging Ninoy, maging Cory, na huwaran ng bayan...

Salamat at hindi paalam. Mamamalagi kayo sa puso ng bawat ninoman. Mga bilin n'yo'y uulit-ulitin ng kasaysayan. Harinawa na'y magising, sa liwanag ang karamihan...

Ilan Ninoy pa ang sasayangin ng bayan? Bago pa matuto ng dignidad ang pamunuan. Ilan Cory pa ang yayao at lilisan? Bago pa makamit ang panatag na kapayapaan...




: LABANAN NATIN ANG KATIWALIAN :

●"Cory Aquino"●



● Tatag! Tatag! Mga kababayan ko'ng pilipino. Ang demokrasya sa bansa ay ipinagdarasal ko. Ganito rin ang dasal ng mapagmahal na pilipino. Ganito rin ang dasal ng yumaong Cory Aquino...

● Panahon na! Panahon na! Kilos na! Kilos na! Sa tunay na demokrasya. Muli nating ipakita. Sa mundo ang pagkakaisa...

● Heto na! Heto na! Ang oras na itinalaga. Magbubuklod muli ang liwanag ng pag-asa. Magliliyab muli ang apoy ng demokrasya. Ang ipinunla ni Ninoy at ni Cory, maghihitik sa mabubuting bunga...



●★●★●★●

⊙"Cory"⊙



⊙ Paalam sa iyo President Cory Aquino. Salamat sa mga panahon na inialay mo. Nagluluksa ngayon ang sambayanang pilipino. Nalulungkot ako, naiiyak ako...

⊙ Paalam, paalam. Mahal naming Cory. Paalam sa iyo tunay kang mabuti. Pagmamahal mo sa bayan ay iyong ibinahagi. Inspirasyon ka! Na sa puso namin ay mananatili...

Paalam... Paalam... Mahal ka namin Pangulong Cory...



⊙⊙⊙⊙⊙⊙⊙⊙