TULOY PO KAYO

Maligayang bati sa iyong pagbisita. Harinawari ay masiyahan ka sa mga salitang iyong mababasa at litratong iyong makikita. Ngunit maaari rin na malungkot ka at magdalamhati, magalit o matawa, mainis o masuka, o gumulong sa katatawa. Natural lang yon, tao lang, tuloy ang basa.

Paunang Salita

Ang bawat letra, salita, pangalan, lugar at sari-saring pa-ek-ek na kabaduyan at matitinong kahulugan ay kathang-isip lamang at hindi ito ginawa para maka-sakit ng tao. Wala ding nasaktan na mga hayop at insekto habang ginagawa ang "blog" na ito. Pakisuyo lang po..."Mag-alis ng muta, bago bumangon. At huwag mahiga buong maghapon."

Pero, paminsan-minsan ay may mga "blog" din na hinango sa totoong buhay, totoong kapighatian, totoong kaligayahan, totoong kabiguan at totoong tagumpay. Paunawa lang po..."Bawal mangulangot sa jeep."

Biyernes, Pebrero 26, 2010

Bangkusay




Parang kailan lang mga naglalaro sa lansangan. Dala-dala ay bola at sari-saring laruan. At nang magbinata ang hanap ay liligawan. Nang magsitanda, hanap na ay inuman...

Dahil ngayon lang muli, muling nagkita-kita. May mga puti na ang buhok ang iba ay nakalbo na. Meron din namang hindi nagbago ang hitsura. Ang iba nama'y nangagsipanaw na...

Masarap balikan masasayang nakaraan. Parang kailan lang na para bang kahapon lang. Wala namang nagbago sa mga puso at isipan. Ganoon pa rin ang pag-uugali ng mga kabarkada't kaibigan...

Magdamagang kwentuhan na parang 'di mauubusan. Sistihan, galitan, walang humpay na tawanan. Kasasaya, kaiinam, nang muling magkita-kita itong magkakaibigan...


®

Miyerkules, Pebrero 24, 2010

Ano kaya ang bayan?




Ano kaya ang bayan ko kung ihahalintulad sa prutas? Matamis kaya ito o maasim na parat-parat? Mabilog kaya ito o pahabang taas-taas? May lason kaya ito o may dulot na lunas?...

Ano kaya ang bayan ko kung ihahalintulad sa kanin? Mabango ba ito o masarap na pang-saing? Mabato ba ito o madumi na may itim-itim? Ligtas ba at malinis kung ito ay kakainin?...

Ano kaya ang bayan ko kung ihahalintulad sa ulam? Sardinas ba ito o dilis na minatam-isan? Ampalaya na may itlog o simpleng kang-kong lang? O isang buong litson na talagang katakam-takam?...

Ano kaya ang bayan ko kung ihahalintulad sa inumin? Nakakapawi ba ng uhaw o sobra kung maka-lasing? Pwede bang ipaligo o ipanghalo sa pagkain? Pwede ba 'to sa hayop o sa tao na 'di magising?...

Ano kaya ang bayan ko kung ihahalintulad sa musika? Malambing ba ang tunog o maka-basag tainga? May himig ba ito na nakakahalina? O sadyang ingay lang ang dulot sa buong balana?...

Ano kaya ang bayan ko kung ihahalintulad sa sining? Isa kaya siyang obra o pintang pipit-tyugin? Isa kaya s'yang gusali na matatag sa lakas ng hangin? O isa siyang monumento o imaheng sasambahin?...

Ano kaya ang bayan ko kung ihahalintulad sa tao? Babae ba ito o lalaki na walang modo? Tomboy kaya o bakla, o isang matalinong tao? Matanda na kaya ito o musmos pang walang kamuwang-muwang sa mundo?..



Harinawa na lahat ng kandidato sa halalan ay hindi nalulunod sa kapangyarihan.
®

Linggo, Pebrero 14, 2010

Isip-tao



Hanggang saan ang nararating ng iyong mga mata? Hanggang saan ang naririnig nitong mga tainga? Hanggang saan aabot ang pang-amoy ng sistema? Hanggang saan ka dadalhin ng iyong hininga?...

Tao ka pa kayang babalik pagkatapos ng isang sirka? O mamamasyal ka pa muna sa lawak nitong maharlika? Makahalubilo muna sa pagputok ng 'gas' sa 'andromeda'? O kaya'y magpatalun-talon, sa lawak nitong mga planeta?...

Pero masarap daw maging isang tao. Lalo na't nasa 'taas ka at walang sinasanto. Yong lahat ng naka-baril ay nakapalibot sa iyo. Habang ika'y kumakaway mula sa bintana'ng tumatakbo...

Masarap daw talaga'ng maging isang tao, pwede ka'ng magnakaw basta magaling ang dahilan mo. Pwede ka'ng pumatay basta malulusutan mo ito. At saka daw ang tao ay 'di tumatanda, palaging edad singko...

Kaya mababangis na hayop, iniwan na ang gubat. Nagpalit-anyo, naging tao na sa syudad. Mga ibong mandaragit nangagnegosyo ng "drugs". Mga dambuhalang buwaya'y naging tao, nagmamatyag...

Pero huwag kang maniwala. Kwento lang 'to. Istoryang kanto, hindi totoo. Ilusyon lang, huwag maniwala dito. Pero paano nga ba at ano, mangatuwiran ang tao?


Forgive your enemies, but never forget their names. J.F.K.



To know what is right and not do it is the worst cowardice.
Confucius

Anger and intolerance are the enemies of correct understanding.
Mahatma Gandhi




®

Sabado, Pebrero 13, 2010

M.T.




Papalapit na ang taon ng tigre sa kalendaryo ng tsina. Lalabas na ang magigiting na mga kambing at tupa. Dignidad at karangalan ang adhikain ng mga aba. Gabay ang galing at tatag sa katarungan ng hininga...

Sa panahon ng tigre'y metal ang mangingibabaw. Teknolohiya ay mas sisigla, ideya ay aapaw. Parang isang lugar, na naandon sa may ibabaw. Na para ring ako, na para ring ikaw...

Mas maraming ideya mas maganda. Mas may gana'ng kumilos, mas garantisada. Mas maraming bumubuti, mas maraming sumasaya. Walang negatibo sa mga puso'ng mapagkalinga...

Mapapansin na ang kahalagahan ng buhay. Ang sino man na naghihirap sa kilos niya ay may sablay. Ang sino man na may ligaya ay mabuti at dalisay. Ang sino man na may galit palaging talo sa hakbang ng buhay...


Running a government is like running a cemetery, nobody listen.
B.C.




®

Biyernes, Pebrero 12, 2010

Iba noon. Iba ngayon




Iba daw ang utak at ugali ng isang "artist". Tulad ni Modigliani, Leonardo at Vincent. Bugnutin, estrikto, ayaw ng nakikinig. May sariling mundo ayaw ng nadadaig...

Kung naniniwala ka dito?, ay nabubuhay ka sa kahapon. Dahil ibang-iba na nga, ang mga "artists" kumpara sa ngayon. Mas kapaki-pakinabang. Mas marami ang naitutulong. Mas malawak ang isip, mas malawak ang imahinasyon...

Ibang-iba na si Vincent van Gogh ngayon. Ibang-iba na rin si Luna, Frida, Carravagio at Jackson. Ibang-iba na nga sila nang bumalik mula sa kahapon. Hinding-hindi na nila inulit ang ginawang mali nila noon...

Hindi na baliw ang "artist" ngayon. Hindi na gago ang "artist" ngayon. Hindi na "old school" ang "artisans" ngayon. Sinagot na ng teknolohiya ang kanilang imahinasyon. At ang mahalaga'y may puso na silang alay, tanggapin mo, karangalan yon..



"Imagination is much more important than knowledge." Albert Einstein