TULOY PO KAYO

Maligayang bati sa iyong pagbisita. Harinawari ay masiyahan ka sa mga salitang iyong mababasa at litratong iyong makikita. Ngunit maaari rin na malungkot ka at magdalamhati, magalit o matawa, mainis o masuka, o gumulong sa katatawa. Natural lang yon, tao lang, tuloy ang basa.

Paunang Salita

Ang bawat letra, salita, pangalan, lugar at sari-saring pa-ek-ek na kabaduyan at matitinong kahulugan ay kathang-isip lamang at hindi ito ginawa para maka-sakit ng tao. Wala ding nasaktan na mga hayop at insekto habang ginagawa ang "blog" na ito. Pakisuyo lang po..."Mag-alis ng muta, bago bumangon. At huwag mahiga buong maghapon."

Pero, paminsan-minsan ay may mga "blog" din na hinango sa totoong buhay, totoong kapighatian, totoong kaligayahan, totoong kabiguan at totoong tagumpay. Paunawa lang po..."Bawal mangulangot sa jeep."

Miyerkules, Marso 31, 2010

- davada -




Ahmad 'nong bago ngayon? Yung DVD copy na, kahit intsik kahit hapon. Basta may subtitle at 'di delay ang audio, okey na yon. Wag lang yun 'di pa tapos ang graphics tulad ng kay Wolverine, peke yon...

Yang Green Zone mo delay ang audio. Sa Little Big Soldier naman ay may dumadaang anino. Ok na yang My Sassy Girl sa linaw panalo. Ano naman yang Agora, paki-testing nga amigo...

Okey na rin ba yang Alice in Wonderland. Yang The men who stare at goats naman e 'di ko masakyan. Ang Shutter Island ay utak baliw kaibigan. It's Complicated para sa mga tiguwang...

O sige Ahmad, eto ng bayad. Unahin ko si Confucius papanoorin ko agad. Oki ra amigo, sa uulitin kahit bukas. Kapag 'di maayos ang kopya ibalik lang palitan agad...




Knowing is not enough, we must apply. -Bruce Lee


^

Martes, Marso 30, 2010

Sa Umaga




Nasanay ng magkape at manigarilyo sa umaga. Habang nag-iisip kung ano ang ipipinta. Habang tinatanaw mga nagdaraan sa kalsada. Habang pinapanood mga langgam na pumaparada...

Lampas na pala sa poste itong itinanim ko'ng puno. Mga dahon sa sanga'y may mga bagong tubo. Mga bulaklak sa palibot dahan-dahang lumalago. At may kalabaw na dumaan, sa bukid patungo...

Mga batang may bit-bit, galun-galong tubig. Mga dalagang basang-basa buhok nila't damit. Mga naglalaba, nagkukula sa tinding init. Habang mga kalalakihang ay nagbubungkal sa gilid...

At merong dumaraan isang malaking sasakyan. Habang kinakahulan ng mga aso sa lansangan. Meron ding dyip nakabuntot sa likuran. Waring bagong salta dito sa pamayanan...

May umaalis at may pumapalit. Tulad nitong usok may sarap at may sakit. Tulad nitong tasa ubos na ang nakasilid. Handa nang magpinta, handa na si Malupit...


^

Miyerkules, Marso 24, 2010

'alang K




Kasing laki ng pako itong patak ng ulan. Pero para lang nanundot dahil sandali lamang. Pinasingaw lang ang lupa lalong umalinsangan.
Lalo nang pinagpawisan singit ko't alak-alakan...

Pero ayos din para kang nag-steam. Masarap din na pagpawisan lalo't 'di naman nadyi-gym. Iniisip ko na lang mga wonderful feelings. Tutal wala din lang kuryente e 'di candle lightning...

Uy aba himala at lumakas pa 'tong ulan. Mga patak sa bubong tunog kagubatan. Parang Cast Away na pelikula ni Tom Hanks. At dahan-dahang sumisipol ang hanging maligamgam...

At sumasarap lumalamig na ang hangin. Masarap ng matulog, masarap ng humingbing. Masarap ng magpahinga, masarap ng lumimlim. Opss dasal muna para masarap din ang gising...


^

Bitak




Tapos na ang panahon para mag-isip. Matingkad na ang araw, painit na nang painit. Malamig na hangin dagliang umaalis. At sumisingaw ang lupa sa mga ilog at batis...

At lulutang sa mga ilog mga patay na isda. Tubig ay malalason huwag iinom na kusa. Mababangis na hayop maglalabasan sa lungga. At makikihalubilo sa lahat ng madla...

Matindi ngayon ang tag-tuyot. Bitak sa lupa ay papalalim ang ina-abot. Tinutuyo ang pananim, sa tubig ay kinakapos. Pagkain ay kukulangin at hindi mapa-inog...

Kilos at maghanda. Kalikasan ay nagbabadya. May malaking pagsubok na sa atin ay naka-damba. Pansinin mo iyong paligid kung ligtas ka sa babala. Kailangan na magmatyag 'di lang sa 'yo para rin sa iba...


^

Lunes, Marso 22, 2010

pinoy ba'to




Mag-yu-U.S. Navy po ako para makatulong sa pamilya. Maipagpatayo ng bahay ang naghihikahos ko'ng ina. Papag-aaralin ko ang mga kapatid ko sa eskwela. At ibibili ko ng dyip ang minamahal kong ama...

Ako po nama'y mag-ne-nurse pupunta rin sa amerika. Iaahon ko sa hirap ang ama ko at ina. Ibibili ko ng lupa para meron silang masaka. At ipagtatayo ng bahay ang mga kapatid kong nasa probinsya...

Ako naman ay kusinero, sasakay ng barko. Pipilitin kong itaas ang buhay ng pamilya ko. Ipagtatayo ko ng tindahan ang nanay at tatay ko. Susustentuhan ko na rin ang sampung pamangkin ko...

Ako ay naman ay pupunta doon sa Australia. Saka ko kukunin si ama at si ina. Aalis na kami dito at doon na titira. Baka 'di na bumalik pa dito sa Manila...

Ako nama'y pupunta doon sa Saudi Arabia. Wala daw buwis doon at doon na rin maglalamyerda. Madali lang daw doon kumita ng pera. Lalo't marunong mag-gupit sigurado daw 'day ang kwarta...

Ako naman ayyy.., dito lang ako. Mag-aantay ng lahat ng mga padala n'yo. Samahan n'yo ng laptop para ma-e-mail ko kayo. Nang kung ano'ng nagaganap dito sa inyo..


:-(

Ang Puno




Ano ba'ng meron ito'ng isang puno? Pirming nakatindig, pirming nakatayo. Minsan ay natutuyo, minsan nama'y lumalago. Ito kaya ay nagbubunga o tirahan ng ibang-anyo?...

May mga dumapo na ilang ibon. Habang may tinutuka sa sanga at dahon. Sa balat ng puno'y may butiking nakakanlong. At sa ilalim ng ugat ay may mga langgam na nagpuprusisyon...

At sa bandang itaas ay may dapong nakatubo. Pinapalibutan ng lumot at maliliit na pakò. May makukulay na bulaklak, parang tahong parang puso. Habang pinasasayaw ng hanging nangsusuyo...

At sa lilim ng puno may mga batang naglalaro. Pilit na inaakyat upang sa sanga'y maka-upo. Pataas ng pataas sa tuk-tok nitong puno. Gustong masilayan ang lawak ng buho...

May paparating, ang may ari ng puno. May mga kasamang dala'y palakol na panggupo. Handa na nilang tibagin ang matayog na puno. Dahil hindi daw nagbubunga ng prutas na matitino...


:




Linggo, Marso 21, 2010

Ulan sa Tag-init




Habang malamig pa ang air-con, mag-yakapan tayo at mag-talukbong. Namnamin natin ang bango nitong ligaya'ng mapaghamon. Muli tayong tatakas sa takbo ng maghapon. Lasapin natin ang sarap habang uma-ambon...

Yakapin mo akong muli ng mahigpit. Habang halinghing mo'y aking naririnig. Alay ng ligaya sa puso ko ay batid. Pagmamahal mong tunay, nalalasap ko bawat saglit...

At hinding-hindi kita kailan man bibiguin. Bawat kahilingan mo ay aking susundin. Ano man ang 'yong nais ako'y iyong alipin. Gagawin ko ang lahat manatili ka lang sa akin...



:-)

Huwebes, Marso 18, 2010

¤ Ang ka Harap ¤




Meron ka ba'ng kalapit, meron ka ba'ng kaharap? Huwag ka lang pahahalata tingnan mo lang kanyang palad. Masdan mo ang kanyang paa, ulo at balikad. Pansinin mo na rin ang damit kung papa'no s'ya mag-gayak...

Tingnan mo lang minsan 'wag lang masyadong tititigan. Ang naka-agaw ng pansin na gusto mong pag-isipan. Kaya mo bang basahin kung anong uri s'yang nilalang? Ano ang taglay n'yang galing o kaya'y kayabangan..

Kaya mo kayang basahin kung ano ang gusto n'ya? Kaya mo ba'ng malaman na may kung ano'ng propesyon s'ya? Ba't 'di mo subukan kahit sa iyong kakilala. Nang hindi nagtatanong ayon lang sa huna-huna..

Halimbawa kahit ano, tulad ng mala-parrot nyang mga kuko. Paliit ng paliit, para ng mga buto. Para ring sili pag may kulay na ito. Hindi niya alam na pabulok na ang mga ito...

At kung ang kaharap mo, na sa ilong ay nagkakamot. Malamang na meron siyang ipinagdadamot. May kasinungalingang sangkap na hindi maarok. Sabay konting kamot na malapit sa batok...

Hindi naman malabo ang mata ngunit nakasalamin. Asahan mo na may itinatagong siyang lihim. Na ayaw ipakita, waring dinidimdim. Pinagkakatago-tago, mahigpit na kinikimkim...

At sa mga kasagutan, tingnan ang isip kung tama. Kung nag-abot ba ang totoo sa naisip mong hula-hula. At kung walang sablay walang mali lahat tama. May taglay kang kapangyarihan na hindi mo nahahalata. Gamitin ng maayos at busilak na kusa...



¤

Miyerkules, Marso 17, 2010

¤ laban ¤





Murahin mo man ako, hindi ako magagalit. Sampalin mo man ako o tadyakan sa dib-dib. Pitikin man sa ilong o tahiin ang bibig. Hindi mo makukuha, paniniwala't pananalig...

At hinding-hindi kita kaylanman lalabanan. Respeto ko sa iyo ay sagad at aking iginagalang. Alam ko'ng hangad mo rin ang kabutihan at kapayapaan. Pwede naman natin ito'ng malumanay na pag-usapan...

Marami tayo'ng bagay na hindi magka-pareha. Marami ring gusto na kakaiba sa isa't isa. Ngunit hindi ito dahilan para maglabanan tayong dalawa. Bagkus pairalin natin na ang buhay ay mahalaga...

Paikot-ikot lang ang mundo. Dati akong lamok, dati ring aso. Dati ring langaw, dati ring lobo. Dati ring unggoy at ngayo'y naging tao...

Nakakasulat na at nakakabasa. Hindi tulad ng dati sa tae ay nakasampa. Hindi tulad ng dati umaalulong ng maka-tindig tenga. Hindi rin tulad ng dati na palipat-lipa sa sanga...

Buo na ang puso, buo na ang isip. Babalik pa ba ako, para maging ipis? Nakasalalay ang buhay ko sa bawat aking ninanais. Sa bawat pagkilos ko ay may karma'ng bumabalik...

Magtulong na lang tayo na pahabain ang buhay. Armas na pang-digmaan atin munang ipalagay. Munting mga bata'y kailangan ng gabay. Maging ang kalikasan ay nangangailangan ng aalalay...

Tama na siguro ang laban, tama na siguro ang away. Pataasin naman natin itong antas ng buhay. Sa dignidad naman tayo kumilos at magsabay. At sabay nating lakbayin ang buhay na matagumpay...



¤

Martes, Marso 16, 2010

¤ kabig ¤




Muli kong binigo itong aking sarili. Sa isang desisyong mali na hindi ko masabi. Pakiramdam ko'ng babala ay isinawalang-tabi. At ngayo'y nagdaramdam?, na waring nagsisisi?..

Ngunit nakahanda ako sa bawat kabiguan. Tumitibay ang loob, lakas ay nadaragdagan. Tumatalas ang pananaw sa bawat munting kamalian. Buhay ay mas higit ko nang nauunawaan...

At sa katayuan ko'ng ito, bumalik ba ako sa impiyerno? Sagot ko ay hindi nilagpasan ko na ito. At kasunod ko na tanong, nasa langit ba ako? Dama ko ay hindi, 'pagkat sa paanan ko ang ikawalong estado...

Alam ko'ng 'di mo maintindihan aking isinasalarawan. Habang isip mo'y naglalakbay upang ito'y maunawaan. Kung meron nga ba ito'ng halaga o walang katuturan? Hanggang umabot ang pag-iisip mo sa isang payak na katanungan...

Kabiguan?


If the minds of living beings are impure, their lands are also impure, but if their minds are pure, so is their lands. There are not two lands, pure or impure in themselves. The difference lies solely in the good or evil of our minds.
-N.D.



¤

¤ Anuto ¤





Sa panahon ngayon, ito daw ang kailangan. Aminin man o hindi laganap na kung saan-saan. Kapag wala ka nito wala ka raw pakinabang. Lalabas lamang raw na isa kang talunan...

Hhhaaaaa... Kwarta! Limpak-limpak na salapi, limpak-limpak na pera. Pinapangarap ng lahat na magkaroon nitong kwarta. Pero dumadaan lang at kung kani-kanino napupunta...

Sa bawat gugustuhin ay ito ang palaging hinihiling. Ang mahawakan at maya't mayang gastusin. Pambili ng bigas at sari-saring pagkain. Pambili ng damit at pagpaligo na rin...

Aaaahhh... Kwarta. Bagung-bago, mabango at malutung-lutong pa. Pwedeng-pwedeng balasahin tulad ng bagong baraha. Masarap ipaypay habang ina-amoy-amoy pa. Lalo na't sintayog ito ng tatlong-patung na lamesa...

Paano na kaya kung isang trak? Isang dyip na lang kaya o isang maletang butas-butas? O kasing-laki ng barko o eroplanong lumilipad?
Malamang na may kapangyarihan ka na hindi kayang mabuwag...

Kung sa bagay nakukumbinsi na yata ako. Kung wala nga raw nito hindi mabubuhay sa mundo. At kung mamatay din hindi maililibing kapag walang gan'to. Kaya sige na nga kailangan ng magtrabaho...




¤ The best way to earn big money is to built a bank and rob it. -Anonymous

Lunes, Marso 15, 2010

Tula para kay Bigotilyo




Wala, wala, wala kang mapapala. Sa isang katulad kong walang ginagawa. Kundi ang sambahin ka at pagmasdan habang sa iyo'y naka-tu-nga-nga...

Sa 'ki'y wala kang mapupura. Ikaw ang aking kaisa-isang bintana. Araw-araw kang binubuksan sa isipan kong walang laman. Ang makita ka't masilayan yun lang ang tangi'ng kaligayahan...

At pa-ulit, paulit-ulit na inu-ulit. Walang humpay na pagtitig. Sa ka-isa-isahan ko'ng langit. At tumagal. Tumagal pa nang tumagal. Mga halaman ay kumakapal. At nahinog na ang mangga sa likuran nitong bahay...

At ang binatilyo'y naghubad na at maliligo. Handa ka na nga bagang sa kanya ay tumapo? Baka porma lang yan at hindi mo isusubo?.. Aba eh, bahala na, todo na 'to, magsama ka pang sampu...

Hehehe, tingnan natin. Mukha mo, ikaw pa na hanggang sa tingin. Saka ang tatay no'n kahihilig na maglasing. Tatagayan ka noon, pustahan tayo uuwi ka ng lasing...

Kailangan pala munang pag-isipan ng mabuti. Praktis muna tayo bili ka ng tropi. Longnek agad para siguradong swabe. Samahan mo na rin ng pulutan at 'wag ka ng manligaw, tayo'y mag-inuman na lamang...

Sige na nga, saka na nga. Sa mga sinabi mo ako ay nanghihina. Hindi na lang tutuloy, ipapagpapaliban ko muna. Baka may payo ka?.. Pag-usapan natin sa toma...


PAUNAWA: Uminom muna bago mamulutan.


B-)

Biyernes, Marso 5, 2010

Asal




Sampung-taong pinag-aralan. Gabi-gabi'y napapanaginipan. Isang-linggong ginastusan. Walong-minutong kinulayan...

Asal mo ba'y parang bagwis? Bakit ganyan ka kung mag-isip? Dalawang-taon ka ng nakasabit. Bakit ayaw mo akong ipagpalit?..

Ewan ko ba, hindi ko alam? Kung bakit gusto kitang pinagmamasdan. Kahit palagi ka nilang sa akin ay ina-awitan. Dito ka muna sa akin. Dahil ika'y tunay na mainam...

Excellence is not a skill. It is an attitude.
Anonymous

Huwebes, Marso 4, 2010

NooN




Noong unang panahon, hindi pa uso ang barong. Wala pang kastila na sa dalampasigan ay dumaong. Mga Intsik pa lang at pangilan-ngilang Hapon. May mga Indiano rin na nagdala ng relihiyon...

Ano pa ma't ano man yon. Huwag ibaon itong kahapon. Dahil ito ang pinanggalingan kung ano tayo ngayon. Kung ika'y nalilito na gumaganda ka ngayon?, o gumagwapo ang hitsura na di paris ng noon? Baka anak ka sa labas? Aba'y pumasok ka't umaambon...

Pero hindi na mahalaga, alam mo na yon. Importante'y gumagana ka at 'di ipinako ng kahapon. Hitsura ay kumukupas pero hindi ang solusyon. Pero pakiusap ko lang, huwag daanin sa pangdarambong...

Dangal marahil ang sagot sa kahirapan. Tinggan muli natin noon, wala naman silang ginagastusan. Mataas ang dignidad, kaya't kultura ay pinainam. Mataas ang moral, sa bawat isa ay may paggalang...

Pero iba na nga ngayon kaysa panahon noon. Pagulang-ng-pagulang mga kabataan daw ngayon. Mahilig daw sa akin, sa akin yan at sa akin yun. At kapag sisihin na, sambit ay 'di ako yon...

At malabo nang talaga na maibalik pa ang noon. Masarap na lang pagmasdan litratong ibinaon. Tulad ng matandang uuguy-ugoy sa maghapon. Habang bilog na buwan ay dahan-dahang umaahon...


Do not dwell in the past, do not dream of the future, concertrate the mind on the present moment.
Shakyamuni