TULOY PO KAYO

Maligayang bati sa iyong pagbisita. Harinawari ay masiyahan ka sa mga salitang iyong mababasa at litratong iyong makikita. Ngunit maaari rin na malungkot ka at magdalamhati, magalit o matawa, mainis o masuka, o gumulong sa katatawa. Natural lang yon, tao lang, tuloy ang basa.

Paunang Salita

Ang bawat letra, salita, pangalan, lugar at sari-saring pa-ek-ek na kabaduyan at matitinong kahulugan ay kathang-isip lamang at hindi ito ginawa para maka-sakit ng tao. Wala ding nasaktan na mga hayop at insekto habang ginagawa ang "blog" na ito. Pakisuyo lang po..."Mag-alis ng muta, bago bumangon. At huwag mahiga buong maghapon."

Pero, paminsan-minsan ay may mga "blog" din na hinango sa totoong buhay, totoong kapighatian, totoong kaligayahan, totoong kabiguan at totoong tagumpay. Paunawa lang po..."Bawal mangulangot sa jeep."

Miyerkules, Setyembre 30, 2009

"magtanim kahit ano"



Magtanim kahit ano, kahit kamote o damo. Pang-kalabaw man o pang-kabayo. Importante'y ikaw ay natuto...

Ang matutong magtanim yon muna ang iisipin. Kung papaano bubuhay ng puno o pananim. Kung namatayan ka man, ano ang susunod na isipin? Para lang yang "Farmville", ika nga e "challenging"...

Pero sori ha, hindi ako nagtatanim sa "internet". Ini-"ignore" ko na lamang, kaya sori sa inyong "gifts". Hindi ko matatanggap, hindi ko maa-"accept". Ayaw ko lang talaga, aywan ko nga ba kung bakit...

Kaya sori na lang sa mga "friends" ko sa "facebook". Huwag n'yong ipapa-alaga sa akin ang mga tanim ninyong "fruits". Magsisisi lang kayo "em damn and no good". Dahil garantisado at sigurado na ito lang ay mabubulok...

Kaya tayo ng magtanim ng kahit na ano. Hindi lang sa "internet" pati sa lupang inaapakan mo. Tunay na puno ha ang tinutukoy ko, hindi puno ng galit, hindi rin puno ng panibugho...


▲★▲

"avocado"



Mataas na itong itinanim kong abokado. Mataas pa sa akin at tataas pa ito. Bawat kinakain kong prutas na may taglay na buto. Akin itong itinatanim at inaalagaan ng husto...

Malaking tulong daw ito kapag namunga na at lumago. Bukod sa lilim n'yang taglay, lupa pa ay hindi gumuguho. Lumilikha pa ng buhay at kulay sa paligid mo. Kaya tayo ng magtanim ng kahit na anong puno...


↑↑↑

Lunes, Setyembre 28, 2009

"babagyong muli"



Pagkatapos ni Ondoy, muling nagbabadya ang langit. Madilim ang ulap at maalinsangan ang paligid. Dito sa Mindanao kapag maghapong walang init. Asahan mo na sa Luzon ay may bagyong papalapit...

Matagal na ang dalawang oras dito kung umulan. Kumulog man o kumidlat ay talagang hanggang doon lang. Pero kapag dumilim at walang bituin sa kalangitan. May bagyong darating sa Luzon at ka-Visaya-an...

Alam mo bang sampung-taon na ako dito. Ni hindi ko naranasan ang lupit nitong bagyo. Ni hindi ko naranasan ang umulan ng isang linggo. Kaya naman hanggang ngayon ay takang-taka ako...

Marahil ay totoo nga. Dito sa Davao ay walang bagyong nagbabanta. Dahil nga mga halaman ay hitik at sagana. Maging puno ng saging ay pirming nakatayo hindi man lang nalalata...

Ang panahon dito ay tulad din ng sa kahapon. Umuulan umiinit pero hindi galit ang panahon. Ang gagawin mo para bukas ay matutupad ng naka-ayon. Walang hadlang, walang bagyo na pipigil sa iyong misyon...

Ngunit sa ngayon, paulan-ulan pa-ambon-ambon. Hudyat na may bagyong nabubuo sa maghapon. Bahagya lang uminit kahapon at ngayon. Uulitin ko at uulitin, may bagyong muling sasalanta sa Luzon...



Dalawang araw mula ngayon.


~~≈

≈"LuzOndoy"≈



Si Ondoy na walang malay, sumalanta at pumatay. Naghasik ng lagim sa Pilipinas kong mahal. Nilisan ang Luzon na lugmok at lupasay. Mga kababayan kong namimighating nakahandusay...

Mayayaman at mahihirap ay nagpipighati, sa naranasang lupit nitong dalamhati. Paano pa kaya makababangon muli? Mula sa pagkakasadlak putikang budhi...

Mga may sakit na bata at matanda. Inanod nitong rumaragasang baha. Kumitil ng buhay, sumira at nanalanta. Papaano pa kaya makapagsisimula?...

Tulong! Tulong! Kailangan ka ngayon. Sagipin at iligtas itong abang Luzon. Awa at habag, pagkain at donasyon. Nawa ay makarating sa lalong madaling panahon...



≈≈≈°≈≈

Biyernes, Setyembre 25, 2009

"ulan na naman"



Umuulan na naman, mukhang may bagyo na naman. Hindi ko man lang napansin ang araw sa silangan. Basa na naman ang lupa, putikan na naman. Magsasapatos ba ako o tsinelas na laang?...

Pero ayos din kasi malamig. Parang ang sarap matulog, maghapon sa banig. Para lang ang lungkot, umiiyak itnng langit. Dalamhati niya'y muling ipinababatid...

Palakas ng palakas, dahan-dahang kumikidlat. Itong si San Pedro, parang nagbabasag. Panay ang kulog na nakakasindak. Pati itong aso ko, takot na takot, gulat na gulat...

Hindi man lamang nag-asul itong langit. Kulimlim niya ang siyang nananaig . Itong patay na ilog, nabuhay na ng saglit. Muli siyang inagusan ng rumaragasang-tubig...

Tuwa naman para sa mga halaman. Matatayog na puno muling tumingkad at kuminang. Malalago nilang dahon ay muling nahugasan. Tulad ng tao, na nangumpisal ng kasalanan...


↓↑↓

Huwebes, Setyembre 24, 2009

★"ang madyikero"★




Itong madyikero ay maraming sikreto. Marami syang lihim tulad ng hindi karaniwan na tao. Kaya ka n'yang patamain ng limpak-limpak sa lotto. Hindi lang niya sinasabi kung bakit at paano...

Kaya n'yang lumakad sa ibabaw ng tubig. Kaya n'yang kumain, bubog at aspili. Kaya n'yang lumakad sa pader at kisame. Kaya n'yang lumipad at magpa-ikot-ikot sa ere...

Mabilis ang kamay, mabilis ang isip. Kabisado niyang lahat, ang iyong iniisip. Bigla-biglang maglalaho, parang kidlat sa bilis. Lahat ng nanunood, manghang-mangha na parang nanaginip...

Likas sa madyikero ang talino at galing. Praktisado sa galaw, kilos at damdamin. Kung kilala mo si Cris, Houdini at Merlin. Malaman na may dugo kang madyikero, iyo mo na itong gamitin...


★ blink ★

Miyerkules, Setyembre 23, 2009

"para sa nagbibinata"



Paunang Salita:
Tugon ito sa email ni Blok sa akin na humihingi ng payo sa kanyang pagbibinata. Medyo maselan ang tula, kailangan ang patnubay ng magulang.


Blok, kaya mo yan. Hindi pa yan pag-ibig, kundi masidhing libog lang. Tandang-tanda ko na dumaan din ako dyan. Pumunta ka lang ng banyo at magdribol sa batalan...

Mawawala din yan kapag iyo ng napaputok. Kung hindi pa sulit, ulitin lang hanggang sa maglapnos. Talagang ganyan, binata ka na Blok. Habaan ang pasensya ng hindi makalabog...

Huwag ka munang titikim, baka iyong mayat-mayain. Tiis-tiis ka na lang muna. Iyo na lang munang pungpungin. Pasasaan ka ba't makararaos ka rin. Hawakan ang ari at iyong kausapin...

Libog pa yan hindi pag-ibig. Kung mahal mo siya bakit ka pa nang-tsi-tsiks. Ilan ba ang syota mo?, sabi mo six. Isip kamote ka pa Blok, tsk tsk tsk...

Bata ka pa Blok, huwag ka munang magmadali. Parang wala ng bukas kung ikaw ay mag-isip. Huwag ilagay ang utak sa titi mong makulit. Kalaboso ang hantong mo, ikaw din baka tirahin ka sa puwet...

Lilipas din yang iyong kamanyakan. Huwag ka lang magtitingin sa mga hubad na larawan. Ibaling ang isip sa ibang mapagkakalibangan. Marami ka pang bagay na dapat na matutunan...



▲ "dito" ▲



▲ Sa lugar na ito, ako ay nabighani. Malamig na hangin sa pisngi ko'y dumampi. Sa aking panaginip ito yong aking minimithi. Kaya nagpasiya ako na dito na manatili...

Gawa ko nga pala yang dalawang rebultong nasa likod. Sampung-taon na yan dyan na nakatayong walang pagod. Pati itong bata at babaeng tumutugtog. Gawa ko rin yan kaibigan sa tingin mo ba ayos?..

Gustong-gusto ko talaga sa lugar na ito. Mahamog, malamig, walang ingay, walang gulo. Masarap magpinta kahit magdamagan pa ito. Masarap din na mag-ukit kapag kalikasan ang kapiling mo...

Sa bawat paghakbang ko'y kay rami kong napapansin. Mga naglalakihang puno at bulaklak na panglambing. Mga huni ng ibon, iba't iba ang halinghing. Mapa-pipit o mapa-maya, musika kung aking ituturing...

Dito rin ako gumagawa nitong aking mga tula. Tingin ko sa bawat likha sa akin ay nagsasalita. Kahit itong dahon, kahit itong lupa. Wari ko'y nagpapahayag ng kani-kanilang dula...

Marami na ring puno na lumaki at natibag. Mga higanteng kawayan sa kwento ni Maganda at ni Malakas. Itong bunga ng durian kailan kaya malalaglag? Tingnan mo nga naman, kita ko ang dagat mula sa itaas...

Tuwing madaling-araw, kay sarap bumangon. Kumikilos ang langit mula sa violeta at azul. Pumupula, nagrorosas, dumidilaw, tumutugon. Hudyat na ang araw ay sisikat na sa maghapon...


↑▲↑

Martes, Setyembre 22, 2009

"mag-isip"



Isipin mong mag-isip ng mga bagay na magaganda. Ano ang pakiramdam mo, sumasaya ka ba? Kung ganoon ay dagdagan mo pa. Upang maging lubos at ang paligid ay gumanda...

Ngayon ay mag-isip ka naman ng pangit. Mapupuna mo na damdamin mo ay naiinis. Habang lumalalim, lalo kang nabubwisit. Ang tingin mo na sa paligid lahat na ay pangit...

Subukan mo naman na mag-isip ng kabutihan. Ang panginoon Diyos ay laging nandiyan. Bumabanal ka at nakakaramdam ng kapayapaan. Bumubuti ang paligid, namamayani ang kapanatagan...

Ngayon naman ay kasamaan ang isipin mo. Magliliyab ang iyong puso at papasukan ng demonyo. Makakaramdam ng galit at sumpa ng impiyerno. Paligid ay magugulo wala ng pakikipag-kapwa-tao...

Maniwala ka man o hindi ay makapangyarihan ang isip. Alagaan mo ito at dalhin sa matuwid. Ang baluktot na isipan ay madaling napapatid. Kung ayaw mong maniwala, hindi kita pinipilit...





Lunes, Setyembre 21, 2009

"maganda"



Nawa'y huwag lumipas ang iyong ganda. Taglay mo ay pag-ibig na kahalihalina. Kulang ang araw kapag kasama ka. Bumibilis ang magdamag kapag kapiling ka...

Simbolo ka ng kagandahan. Susi ka ng pagmamahalan. Isa kang sining ng kalikasan. Nakasalalay sa iyo ang kinabukasan...

Ano pa nga ba't ito ay lilipas din. Pagdaan ng panahon. Ikaw ay kukupas din. Taglay mong ganda'y sampung taon lang daranasin. At sa takdang panahon, kaya mo ba itong tanggapin?...

Matagal pa yon, huwag na muna nating isipin. Mga sandaling ito, atin munang namnamin. Hayaan na muna damdamin ang pairalin. Sakdal lubos na kaligayahan, atin itong uulit-ulitin...



Linggo, Setyembre 20, 2009

■"iskulmeyt"□




■ Ikaw naman hindi ka mabiro. Seryoso palagi asal matino. Malalim mag-isip, ano ka hito? Ang gaan pa ng kamay palaging namamalo...

□ Wala lang yon, huwag mo akong pansinin. Huwag mo lang akong kulitin at saka asarin. Madaling uminit ang ulo ko, hindi mo ba napapansin. Tumigil-tigil ka dyan baka tamaan ka sa akin...

■ Pikunin ka pala, para kang torta. Masama sa katawan yan, hindi yan masigla. Nakakaikot din yan, akala mo ba. Ipaligo mo lang yan, para kumalma ka...

□ O sige na nga susubukan ko. Pero pakutos muna, dyan sa noo mo. O papitik na lang kaya, dyan sa tenga mo. Para mabawasan naman itong init ng ulo...

■ Oo ba!, bakit naman hindi. Sikista ako, sanay ako sa mahapdi. Sugatan mo ako at pigaan ng kalamansi. Baka hindi mo alam, sampung beses akong nag-patuli...


:mula sa dalawang alaskador ng Mataas na Paaralang Ginalugad Palo Bente:

Sabado, Setyembre 19, 2009

"sa aking planeta"



Sa aking planetang bilog na parihaba. Ako ang kumukulay, ako ang gumagawa. Ako ang nasusunod sa kulay-buhay nitong sadya. Ako ang hari, ako ang lumikha...

Dito ay walang buhay ang nakaraan. Lahat ay pasulong, lipas ay 'di binabalikan.
Dumarami at nanganganak, walang sala sa karimlan. Dahil wala naman talagang ipinamanang kasalanan...

Pasulong ng pasulong, walang umuurong. Ang isip ay nasa bukas at hindi sa lumipas na kahapon. Tuloy-tuloy, walang demonyong sumusuong. Dahil walang anghel, walang diyos na sa kanila ay tutugon...

Dahil ako ang lumikha nitong aking planeta. Pag-aari ko ang lahat wala sa aking sumusumbat. Dahil ako ang gumawa nitong lahat-lahat. Nasa akin ang karapatan kung kailan ito mabubuwag...



Biyernes, Setyembre 18, 2009

"Believe Nothing"



"Believe nothing, no matter where you read it or who has said it, not even if I have said it, unless it agrees with your own common sense."

Sino ang nagsabi nito, kilala mo ba? Isa itong aral ng magandang pilosopiya. Upang tumalas ang isip at ang tiwala sa iba. Huwag basta maniwala, baka ikaw lang ay binobola...

Kahit sa akin, huwag kang maniwala. Timbangin ang alam kung may punto ba o wala. Talasan ang isip upang hindi kakapa-kapa. Nang malaman ang mali at malaman ang tama...

Maging sa iba ay huwag basta maniwala. Alamin munang mabuti kung ano ang sadya. Huwag agad magagalit kung nasaktan kang bigla. Tumigil lang saglit at magmuni-muni muna...

Hanggang saan ang kapasidad ng iyong pag-iisip? Nakita mo na bang kumilos ang iyong sarili? Narinig mo na ba, ang iyong mga sinasabi? Nasukat mo na ba, ang tiwala mo sa iyong sarili?...

Dahil hindi nabibili ang respeto at tiwala. Hindi rin ito ibinabase sa galing ng pananalita. Mas maganda basehan ang kilos at ang gawa. Saka ka humusga kung tunay nga itong kapanipaniwala...




Huwebes, Setyembre 17, 2009

"white lady"





Mards, pards, magugulatin ka ba? Sa dilim, matatakutin ka ba? Kapag walang ilaw ang kalsada, saan ka pupunta? May kumakaluskos, aswang?, huwag naman sana...

Kapag nakulong ka sa dilim ay lumalakas ang imahinasyon. Kakapa-kapa, sa sangkatutak na ilusyon. Kakabog-kabog ang dib-did, sa nakakakabang situwasyon. Sabay hahangin ng malamig, woooohhh ano yon...

Kapag pumikit, sari-sari ang naririnig. Alingasngas ng kung ano, balahibo ay tumitindig. Hindi makatulog, parang may naninilip. At may sumusutsot, pssst,,, pssst...

Pero huwag kang matakot, guni-guni lang yan. Subukan mong lumakad, magdala ka ng bawang. Baka may makasalubong kang walang ulo hanggang baywang. Magdala ka na rin ng asin pangbud-bod sa putol na katawan....

Huwag kang lilingon diretso lang ang lakad. Kapag may asong lumapit huwag kang papadyak. Huwag tatakbo lumakad lang ng banayad. Saka ka magdasal upang 'di ka mapahamak...

O baka naman lasing lang ako. Pero ano ito?, puting babae sa harapan ko. Maganda, marikit, ngunit may krus sa noo. At nang lumapit sa akin, umangat sa semento...


Alam n'yo ang nangyari?


Eh 'di TAKBO!!!



:-S

★"42"★



Yahoo! Birthday ko na. Yeheey! kwarenta y dos na. May puti ng balbas, maging sa bigote at patilya. Huhuhu, tumatanda na..

Tanong ko sa sarili ko, kung ano pa ang nabago? Bumuti ba ako o lalong naging gago? Umasenso ba ako o naghirap ng husto? Naging tao ba ako o naging demonyo?..

Sa palagay ko ay ano at kuwan. Subalit kung baga ay parang mawawarian. Dahil datapwat mawari ay yon na nga yan. Kaya yon na yon, kung kaya at ganyan...

Salamat naman at hindi mo naintidihan. Gano'n din ako hindi ko rin maliwanagan. Ang gulo ano?, parang (beep!-beep!) ni kuwan. Wala daw suspense kung ang lahat ng ito ay atin ng alam...

Salamat sa lahat, sa lahat ng bumati. Sa lahat ng nag-email, at sa lahat ng nahihiya pang bumati. Salamat sa mga regalo nitong magaganda at mga pogi. At salamat din sa lahat ng hindi pa nakababati...



★★★★

Martes, Setyembre 15, 2009

★"alak-atak"★



Hindi ko akalain na umiinom ako ng alak. Sino nga ba ang nagturo? Sino nga baga ang nagbunyag? Ilang taon ako noon ng makalagok at magdu-ak? Di ko na matandaan basta alam ko ito ay masarap...

At (beep!beep)-ina!, yon ang akala ko. (Beep!beep!)-ina talaga!, ang sakit sa ulo. Pero ganon daw talaga, tukulin ko lang 'tong loko. Kung gusto ko raw mawala, araw-arawin ko ng todo...

Huwag naman siguro, patayan na yan. Uminom lang tayo ng tamang-tama lang. Hindi na mabuti kung todo-todohan. Sabi nga sa komersial, "drink in moderation" kaibigan...

Kung gusto mong gumuho lahat ng iyong pangarap. Uminom lang ng uminom nitong nakalulunod na alak. At kung inaakala mo na katapusan na ng lahat. (Beep!beep)-ina! Sge! Tara! Tagay pa!
Mga hinayupak!...



Shandhalee lahang mgap're, uwihhi lhang ko..

"Auguste Rodin "



Auguste Rodin, Rodan kung papakinggan. Magaling na eskultor, isang syang Parisian. Nagsimulang gumuhit sa edad sampu, karaniwan. Natutong mag-ukit sa edad kinse, karaniwan. Sumubok mag-aral, pero na-redyek tritayms...

Nakilala nya si Antoine-Joseph van Rasbough. Nagpunta sa Italy, tiningnan ang trabaho ni Michaelangelo. At sa Brussels nag-eksibit ng "the age of bronze". At inakusahang 'di nag-uukit, bagkus minolde lang daw yoon...

Nag-aral ng "engraving" doon sa Britanya. Kay Alphonse Legros, saka gumawa ng pigura. Ano pa nga ba kundi ang "The Thinker" at si Adan at si Eba...

Nakilala nya si Camille Claudel. Disi-nuebe'ng maganda, tunay na pang-eskultura. Kaya naka-gawa ng "the kiss", inspirado talaga. Pero hiniwalayan din sa edad singkwenta-i-otso na...

Tapos non nakilala nya ang "poet" na si Rilke, Ranier Maria. At kalaunan naging sekretarya n'ya. At sa palipas ng panahon, aktiko pa ang gyera. Kaya napilitan syang magpunta ng Roma...

At sa eded na sebentisiks, tinamaan sya ng sakit. Binigyan ng donasyon mula sa "The State". Hindi rin nagtagal tuluyan na syang umalis. Ang ginawa nyang "the thinker", kalapit nya sa puntod at doon nag-iisip...



Lunes, Setyembre 14, 2009

"hari royale"



Pasingit ha, maiba-iba naman. Ito na yong painting na drawing ko noong nakaraan. Medyo malalim 'to, pero gusto ko laging pagmasdan. Kultura ang nakikita ko at pananampalatayang walang hangganan...

Sa kapayapaan tayo lubos na mag-uugnay. Ito lang ang siyang daan, upang tayo'y 'wag maghiwalay. Paniniwala mo may salungat doon sa kanilang sangay. Umupo muna tayo at pag-usapan ng mahusay...

Bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang hari. Ipinagtatanggol natin ito lalo na kung ito'y nasasagi. Ano pa ma't bawat lahi nitong mga hari. Kapayapaan at kapanatagan ang sila nito'ng minimithi...

Hindi baril, hindi bala. Hindi dugo at pagdurusa. Hindi bomba, hindi granada. Sa dayalugo nandoon, ang resulta ng magandang pagkakasama-sama...




Linggo, Setyembre 13, 2009

"Paet eh!"




Kalalayas laang nitong mga paetenyo. Palibhasa'y taga-roon, patron nila si San Santiago. Kahihilig mag-dayo, palaging nakaka-kabayo. Kung saan-saan nakakarating, kahit pa sa ibang ibayo...

Bawat makita ay gusto n'yang marating. Bawat kanyang nais, pinagbubuhusan ng pansin. Kahit pahapyog-hapyog ay may karisma pa rin. Paluwagin lang minsan pero ayos pa din...

Madaling kausap, mataas ang antas. Kung ayaw mo sa kanya, sagot agad ng 'di huwag. Hindi napa-uuto, mabilis ang takbo ng utak. Hindi mo pa nasasabi, alam na niya agad...

Malimit ay tahimik, magalas kung minsan. Kamasasayahin, lalo kung may inuman. Konting tagay lang, lumalawak ang usapan. Ke mapababae, ke mapalalaki, mahilig sa katuwaan...

Doon sa kanilang bayan, parang pyesta araw-araw. Kahit saang kanto, may pagkain kang matatanaw. Mga tindahan ay kakaiba ang saklaw. May taka, may ukit, may dilag na naka-palasaw...

Aba'y uu, kahihilig mang-uuto. Lalo yang mga nasa tayantang at yang mga nasa patio. Alam nila'ng bihis ka pero 'di naman naligo. Pikon talo ka, kay pintasero'ng Takyo...

Naaalala ko pa si Pikot, "the rugged man in the rugged clothes". Araw-araw ko no'ng nakikita ang mukha nya'ng kalulungkot. Hanggang sa mabalitaan ko'ng namatay na pala sa bangungot. Hindi ko man lang nalaman, mga tanong ko'ng 'di n'ya nasagot...

At si Minis na paulit-ulit. Kung mag-salita, pilit na pilit. Bagamat dila niya'y pili-pilipit. Dumidiretso ang boses kapag iyong pina-awit...

Ang tubong-payti, maraming istorya. Maraming kwento na nakakahalina. Meron din namang malulungkot at madadrama. Ngunit kadalasan at kasagaran, sa sining napupunta...



"Paet eh!"

Sabado, Setyembre 12, 2009

"semento"



Semento sa konkretong mundo. Bilog, parisukat, parihaba at diretso. Utak ng tao papunta sa perpekto. Yon lang naman ay sa akala ko...

Umahon sa tubig, tumira sa puno. Bumaba at naglakad, natutong tumakbo. Nagtanim, kumain, nag-imbento ng semento. Gumawa ng sasakyan at lumilipad na eroplano...

Natutong magplano, pinag-aralan ang mundo. Pati ibang planeta, bituin at galaktiko. Tumuklas at naghanap kung may buhay pa tulad dito. Hinding-hindi titigil na masumpungan ito...

Tuloy-tuloy ang ikot ng mundo. Hindi ito titigil kahit sumabog pa ito. At hindi ito umiikot dahil lang sa akin at sa 'yo. Kung baga'y kuto lang tayo sa naglalarong aso...




Biyernes, Setyembre 11, 2009

"tatay"




Lipas na ang kakisigan. Humihina na ang katawan. Ngunit bakas pa rin ang kaguwapuhan. Bagamat lumipas na itong kabataan. Tuloy pa rin sa pakikipaglaban...

Manapay nagawa mo na ang dapat mo'ng gawin. Kahit na sa iba ay hindi nila ito pansin. Ibinibigay mo ang lahat, bagamat sa kanila'y kulang pa rin. Gano'n daw talaga, likas na sa lalaki ang batuhin...

Ngunit ano nga ba't nandirito ka? Naipabatid mo na ba ang gusto mo'ng ipakita? Sulit na ba talaga ang inilagi mo'ng saya? Handang-handa ka na ba'ng humarap doon sa ating Ama?..

Dakila ka kung ituturing. Pagkatapos nito, ano naman ang susuungin? Ano ang gagawin mo do'n sa susunod mo'ng tatahakin? Kung ano man yon, harinawari, ikaw ay palarin...



"nanay"



Lipas na ang panahon nitong kagandahan. Unti-unti ng humihina ang pangangatawan. Puti na ang buhok, bakas na ang katandaan. Hindi na maibabalik ang dating kabataan...

Kaunting taon na lang ang ilalagi sa mundo. Tanong sa sarili ay "May napala ba ako?" O ano ang nagawa ko, sa pamamalagi dito sa mundo? Pawala na ang tamis, hininga ko na'y bumabaho...

Ngunit gano'n daw talaga ang sasapitin ng buhay. May hangganan ang panahon, likas na itong taglay. Harapin ng laan, ng tama at mahusay.
Upang sa susunod na panahon maging dakila'ng muli sa bisig ni nanay...



Miyerkules, Setyembre 9, 2009

"Komunidad"



Dumarami na ang tao sumisikip na ang daan. Tumataas ang mga bakuran mga gusaling nagtatayugan. Bagkus itong mga bata wala ng mapaglaruan. Kung saan-saan na lang sila nagtatakbuhan...

May komunidad wala namang plasa. May basketbol kort nga wala namang bola. Itong entablado tinayuan na ng botika. Simbahan ang ginawang laruan nitong mga batang walang pasensya...

Pagsabihan mo't mag-iingay, mag-iingay pa ng mag-iingay. Walang alam na respeto, sumisigaw, sumasaway. Galit pa at nagdadabog ng walang kamalay-malay. Hindi marunong gumalang kahit may misa sa patay...

Kapag wala palang plasa at palaruan ang komunidad. Mga tao sa iisang lugar ay nagkaka-watak-watak. Sa pag-iisip at sa pakikiharap, kadalasan, balasubas...

At kapag ang karamihan sa komunidad ay walang trabaho. Sugal ang umiiral sa buong sakop nito. Nakatuon sa dasal ay ang manalo sa loto. O kahit man lamang tumama sa huweteng o lastu...

At kapag ang komunidad ay walang palengke. Kailangan ang lahat ay bumiyahe ng bumiyahe. Kahit maputik, kahit mabato, pyesta sa kabilang balwarte. Dadayo at dadayo, makakain lamang ng karne...

Sino-sino ang lumilikha ng isang magandang komunidad? Sino-sino ang nagpapanday upang ito ay umunlad? Anu-ano ang kailangan upang pangarap ay matupad? Payag ka bang mabuhay ang susunod mong mga lahi sa ganitong klaseng komunidad?...



:@

"Simoy ng Pag-asa"



Mmmmm...
Hahhhhhh....

Ang sarap ng simoy ng hangin. Naaamoy ko ang pag-asa. Pag-asa para sa lahat, maging ng mga balisa, mahina man o hamak...

Umaayon sa halimuyak ng mga bulaklak. Kasing-init ng araw sa katanghalian. Kasing-lamig ng hangin sa kagubatan. Kasing-bugso ng damdaming kaligayahang 'di mapigilan. Pag-asa kang minimithi ng karamihan...

Hawak mo ang kapanatagan. Sa mabuti ikaw ay susundan. Tatahakin natin ang kaunlaran. Nang sabay-sabay, walang maiiwan...

Mag-isip na ng mabubuti. Mag-ambag ng mas nakabubuti. Kadena ng galit at timpi, lusawin na pati pighati. Ikaway na'ng mga kamay sa salubong ng bagong kulay. Sa liwanag niyang sakdal husay. Yayakapin ng buong taglay...

Dalisay...
Dalisay...
Dalisay...



★★★ ◎

Martes, Setyembre 8, 2009

"sampalataya"



Sampalataya ka ba sa iyong pang-unawa? Saan ka dadalhin ng iyong paniniwala? Ano ang puno't dulo nitong lumipas at hinaharap? Ano ang tunay mong hangad sa pagpuri mo at paglingap?...

Natatakot kang mawalay. Natatakot kang mag-isa. Nais mo ay palaging merong makasama. Ngunit ano ang dahilan kung ba't ikaw ay sumasamba? Hindi mo ba kayang maging katulad nila?...

Magigiting ang nagsasabi ng tunay na nararamdaman. Ngunit sa pang-unawa ng iba, ito ay kahangalan. Paniniwala mo at paniniwala nya'y mas malayo pa sa pinagmulan. Saang bagay ang tao magtatagpo at magkaka-unawaan?..

Meron akong alam na samahan ng magagalang. Kahit mo murahin, sampalin o tadyakan. Hindi sila natitinag, ngingiti-an ka ng laan. Pupurihin ka pa't ipamamalas ang tunay na kapanatagan...

Mapagmahal silang itinuturing sa kapayapaan. Busilak ang mga puso sa mga hayop man o mga halaman. Alam ang kilos at galaw nitong buhay na nilalaman. Likas ang puso at isip sa antas ng kadakilaan...


:-)

Lunes, Setyembre 7, 2009

"alon"



Kapag may lindol ay may alon. Alon na kasing-taas ng isang-daang palapag. Walang makapipigil sa dambuhala niyang dahas. Dala nitong lindol na kumalog sa dagat...

Guguho ang lupa sa ilalim ng dagat. Bubuhos ang tubig sa lupang nagbibitak-bitak. Lilikha ng ipu-ipo, tubig ay 'di mapapanatag. Lilikha ng lagim sa pisngi nitong dagat...


▲"Santi'amo"▲




Santi santi, Santiamo. May ipu-ipo sa bundok ng Estranghero. Sumasayaw sa puno, anghel ba o maligno? Demonyo o santo, aba'y ano, ano nga ba ito?...

Kababalaghan? Sa bundok ng Kapangyarihan? Hindi ako makapaniwala sa aking nasasaksihan. Ngunit mas lamang ang pag-aalinlangan. Sumunod na ay tanong sa malikot kong isipan. (Nanloloko ba ito?, mata ko ay nahihibang.)...

At ang matanda ay nagsalita. Huwag daw akong mamangha. Pagtatalo sa isip ay nababalisa. Magtiwala ka lang at sumampalataya...

Hindi naman ako puyat. Kumain naman ako ng sapat. Wala naman akong ininom na gamot at alak. Malinaw naman ang mata ko, matalas ang utak. Pero ano ito?, hindi ko maipaliwanag...

Sige na nga lang tuloy ang tinggin. Kahit kabado saka ko na lamang iisipin. Sa kabilang banda ay sumasaya itong aking damdamin. Puro bago, bago, bago. Bago sa paningin...


Marahil ay kaya itong ipaliwanag ng siyensya.
Ngunit mahabang aralan kung sasaliksikin ko pa. Sa sining marahil mas nababagay siya. Iguguhit ko na lang at saka ipipinta...



▲〃▲

Linggo, Setyembre 6, 2009

"Umagana"



Umaga na! Wala pang tulog. Mula sa mahalagang lakbay ng diwa at pag-irog. Dumadampi sa pisngi itong malalamig na hamog. Habang tinutuyo nitong liwanag na humahaplos...

Umaga na wala pang tulog. Nangangamoy na ang sinangag sa mainit na palayok. Nangangamoy rin ang kape at dilis na piniritos. Gayon din ang damo na nag-babad sa magdamagang-hamog...

Umaga na! Kainan na. Almusal na talagang nakakagana. "Inumin na natin itong gatas ng baka." Wika nitong paslit na muta-muta pa. Nakatayo pa ang titok, ihing-ihi na. Walang salawal at tsinelas habang inihian ang kalsada...

Umaga na! Tulog muna ako. Sumisilip na ang araw. Iidlip lang ako. Hindi na muna ako kakain, hihiga lang ako. Pipikit lang at mumulat dahil umaga na ng linggo...

↑⊙↑

Sabado, Setyembre 5, 2009

"asian secret"




Napadaan ako sa isang tindahan. Dalawang matandang nagtatapalan. May kung anong inilagay sa likod ni tatang. Hindi ako nakapigil magtanong ng "Lola ano ho yan?"...

"Asian Secret ang tawag dito. Itinatapal lang kapag ikaw ay may ubo. Kung meron kang masakit dyan sa katawan mo. Heto lang ang katapat. Ayos na ang buto-buto."...

"Kaya kung ikaw ay maysakit, wag basta-basta iinom ng gamot. Lalo na yang tabletas na nabibili sa darag-istor. Sasakit lang ang sikmura, dale atay mo nyan utoy. Tinggnan mo kame, otsenta na'y malakas pa ang tuhod"...

Ehh, hehe, lola naman, ang dami n'yo'ng sinabi. Katiting lang yung tanong ko, sagot n'yo'y parang teleserya. Hindi n'yo pa ako sinagot, kung ano yang klase?. Ano po baga yan, ha hane?...

"Wala nito sa Europa, Amerika at Africa. Alam ko'y imbento ito ng intsik o hapon baga?. Dumating ito noong panahon pa ng gyera. Ginamit ng mga hapong-sundalo kapag mainit ang klima."...

"Amuyin mo at amoy mentol, pang-paluwag ng hininga, ang bango 'di ba utoy? Pang-alis ng panuhot, at ayaw lumabas-labas na utot, pangpa-ginhawa ng katawan, lalo kung ika'y matutulog."...

Aahh, e, sge po Ahh 'wag na po. Salamat na lang po ng marami, baka po sa susunod. Pabili na lang po ng pepsi, kung wala po'y coke. Saka dalawang skyflakes, chippy at halls. Sa linggo na lang po ang bayad, sabi ni utol (Kloingk)...


:$?

Huwebes, Setyembre 3, 2009

"kutob"



Kutob, kutob, huwag kang magdabog. Manapay patatagin mo itong pusong pagod. Bigyan ng daan ang tagumpay na lubos. Upang ang lahat ay lumigayang puspos...

Patuloy na babangon, patuloy na kikilos. Upang gumawa ng mabuti at tapos. Maibahagi sa mga may hapis at kapos. Ang kilos ng masipag sa lahat ay maipaabot...

Kutob ko'y uunlad ang taong masigasig. Asenso sa buhay ay kanyang makakamit. Wala ng mahirap na sa kanya ay tinitiis. Madali na ang lahat, wala pang ligalig...

Kung ako ay tamad. Malamang walang bukas. Palaging gutom. Walang pera sa palad. Walang kaibigan. Walang tutulad. Paglipas ng panahon. Tatanda akong hubad...



Miyerkules, Setyembre 2, 2009

"tabing-bakuran"



Ang ganda ano?, masarap dito. Ang tawag ng karamihan dito ay paraiso. Malinaw ang tubig, malinis at panalo! Alam mo baga kung saan ito?...

Dito lang yan sa tabing-bakuran mo. Marami nyan dito sa Davao at Cebu. Meron din sa Bohol, Camiguin at Kalibo. Meron din sa Zamboanga, Iloilo at Sulu...

Meron din sa Bicol, Butuan at Jolo. Meron din sa Batanes, Palawan at Cotabato. Kahit sa Masbate ay meron din nito. Pati na sa Tawi-tawi, Romblon at Mindoro...

Gaano man daw katayog ang bawat pangarap. Ay makakamit ito sa pinakasimple at payak. At ang nangangarap na gumagamit ng dahas. Ay lalo lamang nasusubsob sa sadlak...

Ang nagpupumilit ay nakikipagsiksikan. Ang naghihintay ay maluwag ang dinaraanan. Ang tumatakbo ay dulo lang ang tinitingnan. Ang naglalakad ay mapagmahal sa kalikasan...

Madaling kumilos kapag malinis ang paligid. Masarap tumawa kung walang madudungis. Masarap matulog kahit bahay ay maliit. Mainam na tirhan kaysa bahay na dikit-sikip...


PBA0913p8s6q


Martes, Setyembre 1, 2009

"Diko Mawari"



Ako si Diko, Diko Mawari. Ipinaglihi sa tawa, iyamot at pighati. Kaya ang hitsura ko ay hindi mo mawawari. Parang umiiyak na para ring ngumingiti...

Bug-bog ako tukso, hindi ko na mabilang. Tumigas na ang puso, manhid na ang katawan. At sa tuwing mapapaharap sa salamin ng kasalukuyan. Nangingiti ako dahil gwapo din naman...

Payo ng kaibigan ko, magpa-surgical daw ako. O di kaya ay magsuot ng maskara at sumbrero. O 'di kaya'y mag-artista na lang daw ako. Katawa-tawa na daw, kahit wala pang dayalugo...

Mukha daw akong balut na bulok. Kahit aso raw ay iiling at kukunot. Pero inspirasyon daw ako nitong mga bugok, ng mga bobo, mga pangit at yaong mga hambog. Dahil wala ng tatapat pa sa hitsura kong unique na kuyumos...

Ayos na ayos! Patok na patok! Sa tuwing may fiesta, palaging kalahok. Laging panalo, laging namumukod. Sa palakasan ng hagalpak, tawanang kalugod-lugod...

Minsan lang ay may sumasagi, dito sa isip ko. Hindi ko mawari kung ako nga ay tao. Marahil ay subalit nga, datapuwat at siguro. Ganoon pa man ay baka nga. Palagay ko rin ay dahil ano...


Ako, ako, ako si Diko.



≈"tabing-dagat"≈



Maraming kwentong hawak itong tabing-dagat. Tulad nitong mga kahoy na sa dalampasigan ay ipinadpad. Galing pang bundok, may taga sa katawan at balat. Halatang pinutol ng mga ngiping matatalas...

Mga puting buhangin na ginigiling nitong alon. Walang humpay na sa baybayin ay pinagugulong-gulong. Bawat hampas na pasulong at paurong. Pumipino, pumuputi na parang pulbo ng Hapon...

Mga bukong palutang-lutang. Paikot-ikot sa karagatan. Naghahanap ng tutubuan. Naghahanap ng tatayuan...

At dito sa tabing-dagat nagsimula ang mga pangarap. Dito umusbong ang matatayog na palaspas. Ang maglakbay at maglayag dito unang inihayag. Dito rin ibabalik ang matagumpay na apak...