TULOY PO KAYO

Maligayang bati sa iyong pagbisita. Harinawari ay masiyahan ka sa mga salitang iyong mababasa at litratong iyong makikita. Ngunit maaari rin na malungkot ka at magdalamhati, magalit o matawa, mainis o masuka, o gumulong sa katatawa. Natural lang yon, tao lang, tuloy ang basa.

Paunang Salita

Ang bawat letra, salita, pangalan, lugar at sari-saring pa-ek-ek na kabaduyan at matitinong kahulugan ay kathang-isip lamang at hindi ito ginawa para maka-sakit ng tao. Wala ding nasaktan na mga hayop at insekto habang ginagawa ang "blog" na ito. Pakisuyo lang po..."Mag-alis ng muta, bago bumangon. At huwag mahiga buong maghapon."

Pero, paminsan-minsan ay may mga "blog" din na hinango sa totoong buhay, totoong kapighatian, totoong kaligayahan, totoong kabiguan at totoong tagumpay. Paunawa lang po..."Bawal mangulangot sa jeep."

Huwebes, Abril 29, 2010

Babaylan




Ikaw ang ina, inang kalikasan. Kumukupkop, gumagabay sa buong sambayanan. Iniluluwal mo ang lahat ng aming pangangailangan. Muli't muli mong iniaalay ang buo mong kakayahan...

Ikaw ang huwaran, ikaw ang sandalan. Alam mo ang daloy nitong sanlibutan. Alam mo bawat simula, maging katapusan. Alam mo na ang buhay ay may kahalagahan...

Ginagamot bawat karamdaman. Pinaiiral ang wagas at matutuwid na daanan. Lingap at tyaga'y hindi matutumbasan. Para sa panibagong yugto ng mas mainam na kinabukasan...






Keep a green tree in your heart and perhaps a singing bird will come. -Chinese Proverb

Martes, Abril 27, 2010

Kalabanga




Noong kapanahunan ni Heber, ni Florante at ng APO. May gustong-gusto akong kainin tuwing hapon ng linggo. Inaabangan ko na ang babaeng may suong na bilao. Malayo pa ay dinig ko na ang 'KALABANGA kayo!..

Nagkalat daw ito noon sa lawa ng Laguna. Kalabanga kung tawagin doon sa Paete, Laguna. Unang ipinakain nitong mahal kong ina. Maging mga kapatid ko ay nahahalina sa lasa...

Kapag walang laman ay pinapaputok sa noo. Kapag manibalang ay lasang-lasa ang sarap nito. Kapag tumaba naman ay may berde sa sentro. At tuwang-tuwa ako kapag ito'y isang bilao...

Bagamat hindi na ako nakakakain ay maswerte pa rin ako. Natikman ko ang biyaya nitong kalabangang ito. Lasa at sarap ay tandang-tanda ko. Ang tanong ko lang ay ano ba sa ingles 'to?...


^

Linggo, Abril 18, 2010

¤ sa kagubatan ¤




Nagbabago bawat nilalang sa loob nitong kagubatan. Kulay, hugis at kaanyuan umaayon sa kapaligiran. May lumalaki, may lumiliit. May singkintab ng sasakyan. May nabubuhay kahit hindi kumain ng isang buwan...

Langgam ay naghugis eroplanong bakawan. Ibong mandaragit na natutong gumapang. Balahibong ginintuan, kulay bumbilya ng kanluran.
Mga salita nila'y hinuhuni ng ilog sa bilog na buwan...

At sa gabi'y may nanlilisik. Mababangis na hayop na mapanlupig. Kumakain ng laman, ito ang kanilang nais. Ito ang kanilang paraan upang manatiling mabangis.

At meron din naman mga laman-lupa. Meron din mabait karamihan walanghiya. Kukuhitin ka ng kukuhitan hanggan sa ikaw ay mabigla. Pero hindi naman nananakit ayaw lang nilang nagagambala.

Sila ang naghubog nitong gubat na pinagpala. Sila ang tagapagbantay sa mapaglabis at walang awa. Sila ang tagapanatili ng magagandang dakila. Sila ang tagasunod ng batas na mahiwaga...


The best and most beautiful things in the world cannot be seen or even touched. They must be felt with the heart. -Hellen Keller




¤

Sabado, Abril 17, 2010

° sa hinaharap °




Paggising sa umaga ay latang-lata ako. Hindi naman puyat, hindi naman lango. Masyado lang malalim ang pagkakatulog ko. Para akong nanggaling sa 'di maarok na mundo.

Kaka-iba lang at maraming 'di maintindihan. Ngunit malinis at busilak ang nararamdaman. Madilim man ang kulay ngunit banaag ang mga kinang. Makulay ang hinaharap mula sa gintong nakaraan.

Ang nagngangalit na litid ay madaling napapatid. Ang noong nakakunot ay nabubuhol ang isip. Kayang-kayang igupo ng poot at ng galit. Niyayakap ang pagsuko hanggang sa matutong manakit.

Sa hinaharap ay iniibsan makataong hinanakit. Walang nagugutom, walang nagkakasakit. Napapahaba ang buhay habang bumubuti ang isip. Walang sakim walang ulol, walang nangungupit.

Walang gulo walang away. Walang nakasimangot na garutay. Walang mayayabang na tambay. Lahat ng tao, pantay-pantay.

Walang patay-gutom. Lahat ay may bahay katulad ng pagong. Lahat ng pangangailangan nakakamit sa maghapon. At nakakatulog ng mahimbing tulad ng isang sanggol.

At hindi ko na hihintayin pa itong hinaharap. Kikilos na ako na iwaksi itong hirap. Hindi magagalit, dib-dib ay laging maluwag. Palalawakin ang isip hanggang sa maintindihan ang lahat-lahat...



Willing is not enough, we must do. -Bruce Lee




Biyernes, Abril 16, 2010

Gayuma




Kapag walang ginagawa ay kainip-inip. Pati ibang tao ay silip na silip. Katawan ay bumabagal habang isip bumibilis. Tuloy ang kinabagsakan naiinis nagagalit...

Ganito ang buhay sa kalye Ginayuma. Walang traysikel na dumadaan dahil binabato ng bola. Wala din dyip na dumadaan dahil hindi naman kaysa. At pag dumaan ka dito pihadong pagpe-pyestahan ka...

Wala kang ligtas kahit balahibo mo't balakubak. At kapag pumalag ka hahabulin ka ng itak. At 'wag na 'wag kang magsusuot ng alahas. Siguradong uuwi kang hubo at hubad...

Alam kong may nililgawan kang magandang dalaga. Doon nga siya nakatira sa kalye Ginayuma. Anak yon ng maton at kapatid ni Boga. Payo ko sa iyo a humanap ka ng iba...

Pero kung matigas ka eh 'di subukan mo. Pahatid ka na lang sa lahat ng mga kaibigan mo. Magsama ka na rin ng kahit tatlumpung-sundalo. Pati na lahat ng pulis sa buong presinto. Pero kung wala ka nang mga ito, tatag lang yan ng dib-dib, giting amigo...




Being deeply loved by someone gives you strength, loving someone deeply gives you courage. -Lao Tzu




B-)

Linggo, Abril 4, 2010

Tuglay




Siya si Tuglay, katutubo mula sa kabundukan. Milya-milya ang nilakad upang masilayan ang kanayunan. Kasama ang isa pang madalas na sa kabayanan. Mga walang pinag-aralan. Hindi man lang naka-tuntong kahit sa unang-baytang...

Kinausap ko ang isa kung s'an kanilang pinanggalingan. Nakatingin lang siya sa akin, mukhang hindi ako naintindihan. Binisaya ko ng konti, asa pa mo gikan? Ngumiti siya at tumugon, saka pa lang kami nagkaintindihan...

Paubos na ang aking bisaya. Mabuti na lang at may tambay na nakikinig na matanda. Nagsilbing tagapagsalin nitong tatlong salita.
Mula sa lumad, sa tagalog ko at sa bisaya. At humaba pa ng kaunti ang usapang hindi maipagkaila..

Bumaba raw sila para bumili lang ng sabon. Saka ng bulad at ukay-ukay na pantalon. Yon lang daw ang kasya sa isang buwan nilang inipon. Nang aking kinuwenta, wala pang tatlong-daan yon...

Pangangahoy ang kadalasan kanilang pinagkakakitaan. Ang magputol ng kahoy doon sa kagubatan. Araw-araw nilang ginagawa maulanan man o mainitan. Sa sweldong 300 pesos kada isang-buwan...

At doon na naputol ang istoryang abang-aba. Lalakad pa raw sila ng tatlong-oras na milya-milya. Napatingala ako at waring takang-taka. Tao at kalikasan ay parehong biktima...


In every trade and pursuit of life, both the rich and poor are to be found. -Talmud



^

Huwebes, Abril 1, 2010

sadula




Balita ko ipapako ka na naman. Taon-taon na lang ginagawa mo yan. Ang magpasakit at pahirapan. Dyan mo ba kinukuha ang iyong tunay na kaligayahan..

Nirerespeto ko iyong paniniwala. Ano ang dahilan at iyong isinadula? Iginagalang ko iyong tadhana.
Nawa'y marating mo iyong kinakatha...

Itong mga bata'y nagugulat sa 'yong ginagawa. Nanginginig sa takot mga mukha'y putlang-putla. Paano mo ipapaliwanag na yan nga ba ang tama? Ang isalantaran sa madla ang pananakit nang kapwa...

Palo dito hampas doon. May nag-iiyakan pa'ng mga nakatalukbong. At sa karamihan nang mga naroon. Mga turista at dayo na may iba't ibang reaksyon...

Wala kaylanmang makakaparis sa Diyos. Wala kaylanmang nakakaintindi sa Diyos. Wala kaylanmang nakakaunawa sa Diyos. Wala kaylanmang nakakabatid sa Diyos...


There is only one God and his name is ......



^