TULOY PO KAYO

Maligayang bati sa iyong pagbisita. Harinawari ay masiyahan ka sa mga salitang iyong mababasa at litratong iyong makikita. Ngunit maaari rin na malungkot ka at magdalamhati, magalit o matawa, mainis o masuka, o gumulong sa katatawa. Natural lang yon, tao lang, tuloy ang basa.

Paunang Salita

Ang bawat letra, salita, pangalan, lugar at sari-saring pa-ek-ek na kabaduyan at matitinong kahulugan ay kathang-isip lamang at hindi ito ginawa para maka-sakit ng tao. Wala ding nasaktan na mga hayop at insekto habang ginagawa ang "blog" na ito. Pakisuyo lang po..."Mag-alis ng muta, bago bumangon. At huwag mahiga buong maghapon."

Pero, paminsan-minsan ay may mga "blog" din na hinango sa totoong buhay, totoong kapighatian, totoong kaligayahan, totoong kabiguan at totoong tagumpay. Paunawa lang po..."Bawal mangulangot sa jeep."

Biyernes, Hulyo 31, 2015

Kabiguan



Hindi ako kailan man pagugupo sa iyo kabiguan.
Kahit ilang beses mo pa akong muling saktan ng saktan.
Ulit-ulitin mo man na ako ay pilit na balikan.
Hinding-hindi ako patatalo kahit dambuhala ka pa man.

Matagal na akong bigo, sanay na ako diyan.
Bata pa ako noon ay palagi ka nang nandiyan.
Lumaki, tumanda kahit na sa kasiyahan.
Kahit na masaya ako ayaw mo pa rin akong bitawan.

Sige lang magsasawa ka rin.
Mangingiti ka na lang sa ipamamalas kong galing.
Yayakapin mo ako at buong puso na mamahalin.
Dahil makukuha ko rin ang kahinahan mo sa akin.

Kung ang iba sa iyo ay inalayan ka ng buhay.
Nagdamay pa ng iba at saka nagpakamatay.
Kung nanalo ka noon at nandirito ka pa rin ngayon.
Asahan mo na sa mga oras na ito ay palilipasin ka rin ng panahon.
posted from Bloggeroid

Miyerkules, Hulyo 29, 2015

Tulong at Hiling



Hirap na hirap sa buhay.
Walang mahingian ng tulong maging sa mga kaanak o kalapit-bahay.
Gusto ng sumuko, gusto ng mamatay.
Hanggang sa masumpungan ang poong maykapal.

Humingi ng gabay.
Nagdasal ng nagdasal upang hirap ay maibsan.
Tumatag ang loob hanggang sa puso ay tumapang.
Umunlad ng umunlad at hindi na nakipagkaibigan.

Umangat ang buhay.
Nagpakayaman ngunit gabay ng Diyos ay kinalimutan.
Natulad sa nakararami na hindi na malapitan.
Nagpakasasa at nalunod na sa kayamanan.

Akala ay makulay.
Yumabang, tumapang, ang Diyos daw kanyang sandigan.
Ngunit kapag nag-iisa luha ay hindi mapigilan.
Tunay na pagmamahal sa kapwa ay hindi na niya masumpungan.

Ano ang saysay ng mabuhay sa karangyaan?
May humihingi ng tulong ngunit hindi mo na rin pinagbigyan.
Gumaganti ka lamang dahil dati ka rin ganyan.
Hindi ka na rin maabot, ang katuwiran mo ay ganti-ganti lang yan.

Nakakaduda kung anong Diyos ang iyong nilapitan?
Marami ang Diyos, may Diyos ng Kasakiman.
May Diyos ng Karamutan, may Diyos din ng Kasamaan.
Ano nga ba yang Diyos na sinamba mo at nasaan ang Diyos ng Kabutihan.

posted from Bloggeroid

Martes, Hulyo 21, 2015

Ang Alagad Ng Sining



Masarap maging isang alagad ng sining.
Walang ibang kalaban kundi ang iyong mithiin.
Kahit walang pera, kahit walang pintura.
Makakalikha ng ganap kahit uling pa ang gamitin.

Kapirasong kahoy sa halip na ipanggatong.
Gagawan ng hugis, gagamitan ng dunong.
Saan baga nanggaling?
Nakakalikha kahit hindi naman marunong.

At sa pagdaan ng mga panahon.
Pagiging alagad ng sining sa puso ay bumabaon.
Sumisidhi, lumalalim ang mga natatagpuan na hamon.
Hanggang sa umibig at nakipag-relasyon.

Paano na ang sining kapag inagaw ng pag-ibig?
Nalilito ang isip, nababago ang pahid.
Hindi makakilos, kinakalawang mga pang-ukit.
Nalulunod sa pag-ibig, sining ay naiwawaglit.

Dahan-dahan ng nakalilimot, kulay na ay watak-watak.
Hindi makapa ang mga hugis, hiwa-hiwalay na ang utak.
Nabubulabog na ang puso, ang sining ay umiiyak.
Libog na ang pumalit at sa paglikha ay tuluyan ng tinamad.

Nagutom, naghirap, pag-ibig ay nasadlak.
Natututong magalit hanggang sa iwanan ng kabiyak.
Halos mabaliw, si kamatayan na ang kaharap.
Muli itong si sining ay nag-aalay ng bulaklak.

At nagsalita si Sining, hindi kita alagad.
Mahalin mo lang ako, at mamahalin kita ng tapat.
Iisa tayo sapul ng ikaw ay ipinanganak.
Sabay nating haharapin, muli tayong gumanap.

posted from Bloggeroid