TULOY PO KAYO

Maligayang bati sa iyong pagbisita. Harinawari ay masiyahan ka sa mga salitang iyong mababasa at litratong iyong makikita. Ngunit maaari rin na malungkot ka at magdalamhati, magalit o matawa, mainis o masuka, o gumulong sa katatawa. Natural lang yon, tao lang, tuloy ang basa.

Paunang Salita

Ang bawat letra, salita, pangalan, lugar at sari-saring pa-ek-ek na kabaduyan at matitinong kahulugan ay kathang-isip lamang at hindi ito ginawa para maka-sakit ng tao. Wala ding nasaktan na mga hayop at insekto habang ginagawa ang "blog" na ito. Pakisuyo lang po..."Mag-alis ng muta, bago bumangon. At huwag mahiga buong maghapon."

Pero, paminsan-minsan ay may mga "blog" din na hinango sa totoong buhay, totoong kapighatian, totoong kaligayahan, totoong kabiguan at totoong tagumpay. Paunawa lang po..."Bawal mangulangot sa jeep."

Lunes, Agosto 3, 2020

PANDEMYA

Paikot-ikot sa kwadradong semento.
Patakbo-takbo sa maliit na kwarto.
Kailangang magpalakas, kailangan ng ehersisyo.
Patibayin ang katawan lalo na sa panahong ito.

Hindi pa ligtas lumabas, may panganib huwag mangahas.
May sakit na gumagala, mahirap mawari, mahirap maaninag.
Kailangan mo'ng lumayo kung ikaw ay makikipag-usap. 
At kung maari ay tumupad sa pinaiiral na batas.

Habang ako'y nakaupo sa tabi nito'ng bintana.
Parang ang linaw ng langit, bughaw ang nakikita.
May mga nagliliparang ibon, ano ito?, malikmata?
Luminis yata ang paligid, parang kataka-taka.

At sa hindi kalayuan ay tanaw ko ang ilog.
Umaagos na tubig ay kumikinang parang bubog.
Habang ang mga bibe ay nanginginain sa suluk-sulok. 
Wala ng mga basura, luminis na ng lubos.

Ang dami kong nakikita na hindi ko noon napapansin.
Ang dami kong naririnig na hindi ko maihambing.
Ang dami kong naiisip, ang dami kong gustong gawin.
Ano itong nararamdaman at para akong nababaliw...

Lamberto Acyatan
June 6, 2020

Lunes, Enero 6, 2020

Alakatak


Isang linggo na pagpasok ng taon.
Lango pa rin, hindi makabangon.
E pa'no nga inom ng inom.
Parang walang humpay na selebrasyon.

Bwisit na bwisit na sa sarili.
Pag nalasing kung anu-ano ang sinasabi.
Ayaw patatalo wala ng modo.
Matino namang tao kaso naging gago.

Mahirap din pala ang malasing.
Masakit sa ulo nakakapraning.
Akala ko madali lang itong gawin.
Kaya heto buong araw hindi makakain.

Ayaw ko na nga, pwedeng tama na!
Tigilan na itong kalokohan, ayaw na suko na!
Huwag mo na akong yayain at ako'y sagad na sagad na.
Tama na! Last na talaga 'to! Oh ha!

Nyahahahaha....



Bagong Yugto


Bagong taon, bagong hinaharap.
Sasalubungin ano man ang pagsubok.
Aakuin bawat kilos ng puso.
Isipan man ay mabulabog ng mga nakapalibot.

Iisa-isahin ang mga nagawang pagkakamali. 
Susubukan na itama upang 'di na maulit ang pagkalugmo. 
Mga salitang binitawan na hindi naman nakabubuti.
Pipilitin nang maging mahinahon para sa nakararami.

Panahon ay tumatakbo kapag umidad ka na ng todo.
Wala ng balikan, pasulong ang sumasamo.
Masasakit na nakaraan, baon-baon itinatak na sa ulo.
Hinding-hindi na pagugupo sa mga mapgsamantalang anino.

Miyerkules, Hunyo 13, 2018

Bintana



Dungaw naman dyan, kahit konti lang.
Kahit sulyap, magpakita ka naman.
Namumuti ka na, hindi ka na naiinitan.
Gusto ko muling makita ngiti mong kainam-inam.

Masyadong mahinhin, sobrang mahiyain.
Ano bang itinatago o natatakot ka sa akin?
Gusto lang naman ikaw ay haranahin.
Kakantahan kita hindi kita kakainin.

Kung ayaw mo man, sana ay iyong pakinggan.
Itong munting awitin na sa iyo ay inilaan.
Huwag mo sanang alalahanin, maikli lang naman.
Pakiusap ko sa iyo, dungaw naman dyan...

YUGTO



Tayo ng maglayag!
Suungin natin ang lawak ng dagat.
Harapin ang unos saan man mapadpad.
Walang ibang baon kundi ang lakas.

Parang buhay, kailangan harapin.
Parang pag-ibig, minsan ay bigo din.
Parang masarap na pagkain, kay hirap bilihin.
Parang ikaw, suplada pa rin.

Tanaw ko ang isla, tanaw ko ang pag-asa.
Bagong paligid, masarap mag-umpisa.
Sisikat ang araw, langit ay gaganda.
Ano't ano man, hindi na mag-iisa.

Ikaw


Busilak na kagandahan na hindi napapansin ng karamihan.
Mas banaag nila ang ikinulay sa labi, pisngi at sa mga matang malamlam.
Mas pinili ka nilang makilala sa panlabas sa kaanyuan.
Kaysa tunay mong ganda at dalisay na katotohanan.

Isa kang diwata, isa kang luwalhati.
Isa kang diwa na sa isip ko ay namumutawi.
Isa kang diyosa sa pusong nagdadalamhati.
Isa kang kasagutan sa mga salat sa pagwawagi.

Pangarap ka na mapasa-akin.
Dalangin ko na ikaw ay makapiling.
Kahit isang saglit, mayakap at makaniig.
Sa liwanag ng buwan at sa gabing kay lamig.

Martes, Setyembre 6, 2016

LUPANG KAYUMANGGI



Lupa ng magigiting.
Silangan ng tagapagtanggol.
May busilak na puso.
Sa nangagailangan ng pagsuyo.
Sa kahit na anong pagsubok.
Ay hindi mo mapasusuko.
Tadtarin mo man ang buto.
Buhusan mo man ng dugo.
Kalisin mo man ang laman.
Hinding-hindi pagugupo.
Ngunit....
Aanhin pa ang pagmamahal.
Aanhin pa ang kapayapaan.
Kung ang kapwa pilipino.
Ay sarado ang isipan.

Huwebes, Agosto 18, 2016

Kaibigan


Meron akong kaibigan, na hindi ko makalimutan.
Sapul nang magkahiwalay kami ay hindi na kami nagkaintindihan.
Matagal na kaming hindi nagkikita, higit sampung taon na ang nakararaan. Hindi kami nagka-ayos. Wala ng balitaan.

Nagka-away, nagkasiraan. Nagkatampuhan, muntik nang magkasuntukan. Nanaig ang yabang, nanaig balitaktakan. Hanggang sa umabot na parehong talunan.

Lumala ng lumala, hindi na nagkasundo. Lakip ang sakit tagos hanggang buto. Damay pati ang iba, hindi na nagpagupo. Putang-ina mo!, ang naghari sa puso.

Sino ang magpaparaya? Sino sa amin ang susuko? Sino ang magpapakababa upang galit ay magupo. Sino ang may sala? Sino ang yuyuko? Panahon na ang magsasabi kung meron pa bang pagsuyo.

Biyernes, Hulyo 31, 2015

Kabiguan



Hindi ako kailan man pagugupo sa iyo kabiguan.
Kahit ilang beses mo pa akong muling saktan ng saktan.
Ulit-ulitin mo man na ako ay pilit na balikan.
Hinding-hindi ako patatalo kahit dambuhala ka pa man.

Matagal na akong bigo, sanay na ako diyan.
Bata pa ako noon ay palagi ka nang nandiyan.
Lumaki, tumanda kahit na sa kasiyahan.
Kahit na masaya ako ayaw mo pa rin akong bitawan.

Sige lang magsasawa ka rin.
Mangingiti ka na lang sa ipamamalas kong galing.
Yayakapin mo ako at buong puso na mamahalin.
Dahil makukuha ko rin ang kahinahan mo sa akin.

Kung ang iba sa iyo ay inalayan ka ng buhay.
Nagdamay pa ng iba at saka nagpakamatay.
Kung nanalo ka noon at nandirito ka pa rin ngayon.
Asahan mo na sa mga oras na ito ay palilipasin ka rin ng panahon.
posted from Bloggeroid

Miyerkules, Hulyo 29, 2015

Tulong at Hiling



Hirap na hirap sa buhay.
Walang mahingian ng tulong maging sa mga kaanak o kalapit-bahay.
Gusto ng sumuko, gusto ng mamatay.
Hanggang sa masumpungan ang poong maykapal.

Humingi ng gabay.
Nagdasal ng nagdasal upang hirap ay maibsan.
Tumatag ang loob hanggang sa puso ay tumapang.
Umunlad ng umunlad at hindi na nakipagkaibigan.

Umangat ang buhay.
Nagpakayaman ngunit gabay ng Diyos ay kinalimutan.
Natulad sa nakararami na hindi na malapitan.
Nagpakasasa at nalunod na sa kayamanan.

Akala ay makulay.
Yumabang, tumapang, ang Diyos daw kanyang sandigan.
Ngunit kapag nag-iisa luha ay hindi mapigilan.
Tunay na pagmamahal sa kapwa ay hindi na niya masumpungan.

Ano ang saysay ng mabuhay sa karangyaan?
May humihingi ng tulong ngunit hindi mo na rin pinagbigyan.
Gumaganti ka lamang dahil dati ka rin ganyan.
Hindi ka na rin maabot, ang katuwiran mo ay ganti-ganti lang yan.

Nakakaduda kung anong Diyos ang iyong nilapitan?
Marami ang Diyos, may Diyos ng Kasakiman.
May Diyos ng Karamutan, may Diyos din ng Kasamaan.
Ano nga ba yang Diyos na sinamba mo at nasaan ang Diyos ng Kabutihan.

posted from Bloggeroid

Martes, Hulyo 21, 2015

Ang Alagad Ng Sining



Masarap maging isang alagad ng sining.
Walang ibang kalaban kundi ang iyong mithiin.
Kahit walang pera, kahit walang pintura.
Makakalikha ng ganap kahit uling pa ang gamitin.

Kapirasong kahoy sa halip na ipanggatong.
Gagawan ng hugis, gagamitan ng dunong.
Saan baga nanggaling?
Nakakalikha kahit hindi naman marunong.

At sa pagdaan ng mga panahon.
Pagiging alagad ng sining sa puso ay bumabaon.
Sumisidhi, lumalalim ang mga natatagpuan na hamon.
Hanggang sa umibig at nakipag-relasyon.

Paano na ang sining kapag inagaw ng pag-ibig?
Nalilito ang isip, nababago ang pahid.
Hindi makakilos, kinakalawang mga pang-ukit.
Nalulunod sa pag-ibig, sining ay naiwawaglit.

Dahan-dahan ng nakalilimot, kulay na ay watak-watak.
Hindi makapa ang mga hugis, hiwa-hiwalay na ang utak.
Nabubulabog na ang puso, ang sining ay umiiyak.
Libog na ang pumalit at sa paglikha ay tuluyan ng tinamad.

Nagutom, naghirap, pag-ibig ay nasadlak.
Natututong magalit hanggang sa iwanan ng kabiyak.
Halos mabaliw, si kamatayan na ang kaharap.
Muli itong si sining ay nag-aalay ng bulaklak.

At nagsalita si Sining, hindi kita alagad.
Mahalin mo lang ako, at mamahalin kita ng tapat.
Iisa tayo sapul ng ikaw ay ipinanganak.
Sabay nating haharapin, muli tayong gumanap.

posted from Bloggeroid

Martes, Mayo 19, 2015

Anak ng Tupa











Ipinanganak sa taon ng tupa.
Taon din ng kambing ang tawag ng iba.
Magaling daw gumuhit, magaling din magpinta.
Alagad ng sining at magaling din sa eskultura. 

Ngunit kadalasan ay mababa ang loob. 
Madaling maawa sa mga nagugupo.
Hindi tumatanggi kapag hiningian mo ng ampo.
Kahit walang - wala, magbibigay ng taus-puso.

Kaya nga marahil ay walang ari-arian. 
Walang sariling bahay, wala ring sasakyan.
Walang ipon sa banko kahit isang-daan.
Ngunit hindi naghihirap dahil mapamaraan. 

Masipag, mabuti, madaling mag-isip ng paraan.
Kaya niyang paunlarin kahit na sinong nangangailangan.
Ngunit sa sarili niya ay ayaw niyang magpayaman.
Hindi niya kayang dibdibin na siya ay kainggitan.





Yun laang.



Sabado, Enero 24, 2015

Huwag Mabibigo




Tuloy ang buhay, hindi ka dapat sumusuko.
Sa ano man na laban at hamon ng buhay, huwag kang susuko.
Tulad nitong si Mario, hindi napagugupo.
Dahil tuloy ang buhay, tao ka na, sayang kung maguguho.

Marami pang dapat isipin na tunay na mas mahalaga.
Marami pang dapat gawin na tunay na mas mahalaga.
Marami pang dapat na mahalin higit pa sa asawa.
Marami pang handang magmahal sa tulad mong binabalisa.

Kung naguguluhan ka, kailangan mo ay maghintay.
Huminga ng malalim at ipahinga ang lumbay.
Pigilan ang sarili dahil handa kang pumatay?
Saan ka pupulutin, kapag nanaig na ang..............
........

Huwebes, Enero 1, 2015

Bagong Taon 2015



Panibagong bukas para sa lahat ng nangangarap.
Panibagong lakas para sa mga naghihirap.
Panibagong buhay para sa mga nalulumbay.
Panibagong pag-asa para sa isang tagumpay.

Biyernes, Disyembre 26, 2014

PASKO



Kasaganaan para sa lahat.
Kaunlaran sa mga naghihirap.
Kaligayahan para sa mga nalulumbay.
Kaginhawahan sa mga nanlulupaypay.

Sabado, Agosto 16, 2014

GISING


Inaantok ako kahapon, kung sa pagod ba o sa gutom. 

Alas dos na ng hapon, wala pa'ng pananghalian.

Nang maluto na ang kanin, napilitan ng kumain ng karne ng baboy.

Meron dumating na gulay pero huli na, tapos na akong kumain.

Pero dahil gutom pa rin, kumain pa uli.

Gulay at prutas naman, kasama na yun durian
.
Kaya, inaantok ako kahapon, dahil sa sobra'ng kabusugan.

Kagabi, nakatulog ako ng maaga.

Matapos umulan ng mahaba-haba, masarap ng humilata.

Sa sarap ng tulog, wala ng naalala sa panaginip.

At nagising sa tunog ng "alarm clock" na hindi naman sa akin.

Pasalamat pa rin, maganda ang umaga.

Madilim pa rin pala ang alas-kwatro sa umaga.

Pero nagtittilaukan na ang mga manok. 

Alas- singko ng umaga, medyo maliwanag na.

May naririnig na rin ako'ng mga huni ng ibon.

Dumadalas na ang ingay mula sa mga dumadaan na sasakyan.

Naririnig ko rin ang ingay mula sa eroplano'ng kalilipad pa lamang.

Walang kumakahol na aso sa ganito na oras.

Lumiliwanag na pero makulimlim ang langit.

Medyo malamig, malamang na uulan uli mamaya.

Alas-sais na ng umaga, gising na ako'ng talaga.


..Y,


Sabado, Pebrero 22, 2014

Paulino Alcantara


Marami sa atin ang hindi nakakakilala sa kanya.
Matagal na kasi kaya hindi na maalala.
Pero napakalaking bagay na muli siyang ibida.
Lalo na kung ikaw ay Pilipino, tiyak na hahanga ka.

Panahong 1912 simula siyang bumida.
Hanggang 1917 doon na sa Barcelona.
"Great Footballer" ang tawag sa kanya.
At "Netbreaker" naman ang ibinansag ng iba.

Dugong Pilipino, ipinanganak sa Iloilo.
Isa sa pinakamagaling kaya madalas nananalo.
Kung kilala mo si Messi, kilalanin mo rin ito.
Dahil siya ang una sa Barcelona na nagdala ng maraming kampionato.





..Y,



Biyernes, Pebrero 21, 2014

Babaylan



Ang katangi-tangi na itinalaga ng kalikasan.
Ang nakakaalam sa espiritu ng kapaligiran.
Tao o man o hayop o mga halaman.
Maging ang nasa itaas at ibaba ay kanya itong nalalaman.

Nabubuhay siya noong unang panahon.
Ngunit siya ay babalik sa natatakdang ngayon.
Iba na ang bihis, iba na ang ibinubulong.
Tumingin ka sa paligid o baka ikaw na yon.





..Y.




IKAW




Ikaw ang may hawak ng buo mo'ng kapalaran.
Ikaw ang nagmamay-ari ng iyong kasarian.
Ikaw ang masusunod kung saan ka daraan.
Ikaw lang ang makakasagot kung sino ang iyong papakinggan.

Dahil bawat tao ay may kanya-kanyang bilog.
Bawat minuto, bawat oras ito ay umiinog.
Hindi tumitigil tuloy lang sa pag-ikot.
Katulad ng bawat tanong ito ay may sagot.





..Y,




Miyerkules, Pebrero 5, 2014

Si Pilipino at Si Pilipinas





Nagpapahayag ng pag-ibig si Pilipino kay Pilipinas.
Pagmamahal niya ay ini-aalok ng walang bahid at wagas.
Nangangako at sumusumpa ng ligayang walang kupas.
At aalagaan na mabuti upang ganda ay hindi kumupas.

Ngunit si Pilipinas ay hindi maalis ang agam-agam.
Bakas sa ala-ala ang sinapit ni Inang Bayan.
Sa mahabang panahon nakita niya ang kasawian.
Ayaw na niya itong maulit pa sa sarili ang kalapastanganan.


..Y,