ito si ama at ina. Marami sila’ng supling at ang mga anak nila ay may mga kanya-kanya ng buhay. Kaya sa kanila’ng bahay kahit dadala-dalawa na lang sila ay masaya pa rin sila’ng nagsasama. Ito’ng si ama kahit mabagal ng kumilos ay malakas pa rin kung pagkalalaki ang pag-uusapan. Madalas siya’ng kumain ng paka-u-kaunti, alas diyes sa gabi, alas-dose sa gabi at alas-dos sa madaling-araw madalas si ama gumigising para kumain. Kaya naman si ina ay madalas din na nagigising para magluto sa ganito’ng mga oras. Minsan makaka-amoy ka ng nilulutong adobo sa dis-oras ng gabi. O kaya’y makaka-amoy ka ng tyampurado at pritong-tilapia sa madaling-araw.
“ Napadadakila ni ina.” Mga salitang sumagi at bumalagbag sa pader ng aking isipan. At habang sunod-sunod na rin ang mga tanong sa aking utak ay nangingiti na lamang ako.
Bagamat ang kadakilaan na ito ay may katumbas na pag-aangkin. Noong nakaraan na taon ay ipinagpagawa sila ng magandang bahay ng isa sa kanila’ng mga anak. Bago lahat maging mga kasangkapan. Tuwang-tuwa sila ama at ina sa ipinundar ng anak, ngunit sa paglipas ng mga ilang araw ay minabuti nila na sa lumang-bahay na lang manirahan. At ganoon na nga ang nangyari. Bumalik sila sa lumang-bahay. At sa kanilang pagbabalik ay marami ang natuwa, natuwa rin pati mga bata dahil may mabibilhan na silang muli ng masarap na iced-candy at dahil na rin sa pagbubukas ng sari-sari store ni ina, dada nga kung siya ay tawagin ng mga ito. Madalas din na may pumapasyal kila ama at ina na kung sino-sino lang para lamang makikain, pero kay ina ay maliit na bagay lang yun, natutuwa na rin marahil dahil may nakakakwentuhan sa bawat araw na lumilipas. At sa pagsapit naman ng gabi, ang lumang-bahay ay nababalot na ng wagas na pagmamahalan.
“Walang halaga ang karangyaan, kung pag-ibig na ang naninimbang, dahil walang katumbas ang kadakilaan ng pag-ibig. Dahil si ama ay kay ina, at si ina ay kay ama.”