TULOY PO KAYO

Maligayang bati sa iyong pagbisita. Harinawari ay masiyahan ka sa mga salitang iyong mababasa at litratong iyong makikita. Ngunit maaari rin na malungkot ka at magdalamhati, magalit o matawa, mainis o masuka, o gumulong sa katatawa. Natural lang yon, tao lang, tuloy ang basa.

Paunang Salita

Ang bawat letra, salita, pangalan, lugar at sari-saring pa-ek-ek na kabaduyan at matitinong kahulugan ay kathang-isip lamang at hindi ito ginawa para maka-sakit ng tao. Wala ding nasaktan na mga hayop at insekto habang ginagawa ang "blog" na ito. Pakisuyo lang po..."Mag-alis ng muta, bago bumangon. At huwag mahiga buong maghapon."

Pero, paminsan-minsan ay may mga "blog" din na hinango sa totoong buhay, totoong kapighatian, totoong kaligayahan, totoong kabiguan at totoong tagumpay. Paunawa lang po..."Bawal mangulangot sa jeep."

Biyernes, Abril 22, 2011

Sa Iyong Paglisan



Paalam kaibigan, hinding-hindi kita malilimutan. Kahit mga palad natin ay 'di na nagka-daupan, dalhin mo ang pag-ibig sa iyong paglisan...

Salamat sa iyo butihing kaibigan, nasa puso ko ang iyong kagalingan. Mga payo mo sa akin ay nasa aking isipan, magpakailan man ay 'di ko kakalimutan...

Bagamat ako, sa iyo ay naninimdim. Nalulungkot ako, kung aking iisipin. Mga kuwentuhan natin na tayo lang ang nakapapansin. Mga adhikain mo na sa akin ay isinasalin...

At ngayon ikaw ay wala na sa piling, ala-ala mo ay laging magnining-ning. Araw-araw ay paulit-ulit kong itatanim, mga pagmamahal mo sa iba ay ibibilin. Ibabahagi ang kaalaman at buong,pusong ipararating...

Alam kong maligaya ka kung saan ka man naroroon. Alam kong kapiling mo ang Ginoong mapag-ampon. Alam kong kahiwagaan mo'y kabutihan ang ina-ayon. Alam kong babalik ka sa itinakdang panahon...

Hanggang sa muli aking kaibigan. Hanggang sa dulo nitong walang hangganan. Hanggang sa pagpapatuloy nitong ikot ng kalawakan. Hanggang sa panahon ng walang sawang-kaligayahan...


Thanks Obet for choosing Eden... Rene kunan mo kaming dalawa ni Obet ng picture. -Jesus V. Ayala



..Y,



Lunes, Abril 11, 2011

Panabo




Wala ka pang kamalay-malay sa sining na nag-aalay. Wala kang kamuang-muang sa tagumpay na ibinibigay. Wala kang pagpapahalaga sa biyaya nitong taglay. Wala kang maipaliwanag sa mga bisitang naglalakbay...


All that is not eternal is eternally out of date. -C. S. Lewis


..Y,


Koronadal




Dating Marbel ito'ng Koronadal. Malawak, malapad at dahan-dahan na umuunlad. Mga ilonggo ang nanirahan na pinalad. Malambing, malumanay kung sila ang iyo'ng kausap...

Maaring dagat pa ito milyon-taon ang lumipas. Bakas sa gilid ng bundok ang mga "corals" na nakalatag. At sa pagdaan ng panahon ay lumabas ito'ng syudad. Tayo ng mamasyal, tayo ng maglakad-lakad..

Malinis ang paligid maging sa kalsada at bukid. Mga "painting" ni Amorsolo ang aking naiisip. Kapag nadadaan ako sa kabukiran na may batis. Masarap siguro'ng maligo sa malamig-lamig na tubig...


Life is measured by the rapidity of change, the succession of influences that modify the being. -George Eliot


..Y,

Wans in a Blumun




Andito ako ngayon sa lugar na hindi ko mawari. Andito ako sa lugar na maingay ngunit tahimik. Andito ako sa lugar na kung saan ang dagat ay pumipihit. Andito ako ngayon na kung saan ang utak ko ay nag-iisip...

Payapa ang langit, payapa ang dagat. Naririnig ko ang ugong ng mga bangkang naglalayag. Banayad ang ambon habang may lamok na kumakagat. Pero ayos lang ako dahil gusto ko ang ganitong sadlak...

Kapansin-pansin ang ingay mga guliglig. Habang ako'y naka-upo sa baybayin nitong dagat. Habang ang buwan ay dahan-dahan ng lumalabas. Habang ang isip ko ay tuluyang nag-sasaad...

Magara itong bahay na aking tinutuluyan. Maraming bantay na sa akin ay naka-alalay. Tuloy lang ako sa paggawa nitong hakbang ng aking buhay. Habang lumalalim ang gabi tuloy ang pagninilay-nilay...

May isang boteng alak kasaliw ang kalikasan. Dito sa buhanginan na tabi ng dalampasigan. Nagsusulat nag-aabang ng kung anong kahihinatnan. Habang ang usok ng sigarilyo ay yaot-ito sa aking lalamuman....

Tatayo muna ako't pinapapak na ng lamok. Lilipat lang ako at talagang napakalamok. Papapasok muna ako sa bulwagan na maayos. Para makasulat ng mas magandang mapang-arok...

Heto na ayos na may naghatid pa ng pang-lubos. Malamig na inumin na talagang ayos na ayos. Hindi ko na mapigilan na uminon ng isang lagok. At aantayin ko na lang kung handa na akong matulog...

Malapit ng magdis-oras ng gabi. Naririnig ko sa radyo ng mga tagasilbi. Pero bente-kwatro oras daw ay handa silang magsilbi. Kaya sige na lang uubusin ko itong gabi...



Change is the law of life. -John F. Kennedy


..Y,