
Kalalapag lang sa pusod ng maynila. Napangiti ako iba na ang hitsura. Iba na ang sakayan patungo sa Laguna. Atat na ako sa Paete, gusto ko ng makita...
Sumakay na lang ng bus patungong Baclaran. At saka nag-jeep papuntang Alabang. Parang ang haba ng byahe trapik pa sa daan. Pasko nga pala kaya maraming naglabasan...
Pagbaba ng jeep, ihing-ihi ako. Anak ng teteng!, saan b'ang CR dito. Ahh hayun may nakita na ako. Meron pang nakapaskil 'IHI dos TAE limang piso...
Gutom na ako ng umulpot itong 'bus'. Wala ng upuan siksikan parang sardinas. Mga pasahero ay 'from all walks of life'. Sabay sambit ng kundoktor, Sta.Cruz! Sta. Cruz! Tayo! na lang brad...
Eto na, ano pa nga baga. Sakay na kay St. Rose sa Calamba ay dadaan pa. Mga ilang minuto pa'y may sumakay na matrona. Nangangaral, nagsasalita. Ano yun nagbobola?...
At pagsapit ng Los-baños ay may pumalit na isa. Namimigay ng sobre. Pakilagyan daw ng pera. Dahil sabi daw ng diyos 'Kapatid!, magbigay ka.'. At sila na ang bahala, ipapanalangin ka nila...
Espiritu ko'y gustong tumawa ng todo. Sa mabagal na byahe na-entertain ako. Tama na yan kapatid, huwag mong gamitin si Kristo. Uminit na ang ulo nitong matandang pasahero...
Tuloy lang ang byahe, lampas na sa Ba-i. May nadaanan pa akong mga pato'ng higante. May dambuhalang unggoy, mataas pa sa tore. Nasa Pila na ako, inip pa rin sa mahabang byahe...
Bumaba na ako sa may Pagsawitan. Kumain ng burger kahit konti ayos na yan. May lumapit na galang-aso, ibinigay ko ang laman. May padaan nang jeep 'payti..payti' kaibigan...
Mama, mama, magkano po ang payti. Bente-syete, a bente-singko. 'Bagong-sakay ka ba ha nene?' Dumukot na rin ako 'heto ang sa akin, Paete'. Pagsanjan na pala, malapit na, konti pang byahe..
Lumban, Kalayaan. May Longos pang dadaanan. At mga ilang minuto pa'y, kita sa hydro ang simbahan. Malapit na nga ako upang muling masaksihan, upang muling maka-apak sa lupa kong pinagmulan...
_
sana nakita kita.. kaso baka pagbalik ku ng paete, nasa davao ka n pala.. -renj
TumugonBurahin