
△
Parang mga salawahang-tao itong mga bagyo. Waring nag-uusap kung saan magtatagpo. Hindi pwedeng magkalapit, hindi pwedeng magkasundo. Minsan lang magkikita at doon din maglalayo...
Para ding mga batang naglalaro sa lansangan. Hindi alintana ang init, hindi alintana ang ulan. Baliwala sa kanila ang masaktan man o masugatan. Tuloy lang sa kanilang laro at sa ligayang nakakamtan...
Lahat ng bagay ay may pinagmulan. May lumikha nito at meron din na lumalang. Tulad ko na nilikha ng tatay at nanay kong nagmamahalan. Hindi ako sumulpot ng wala man lamang na dahilan...
At sa ating pagmulat, ito ay kapalaran. Saan ka man dalhin ayon sa iyong kagustuhan. Tulad ng mga ibon at hayop sa kagubatan. Lumilikas sila kapag may naka-ambang na kapahamakan...
Tao pa kaya na may talino at lakas. Harapin ang panahon ng mas mabuti at matalas. Andiyan lang palagi ang pag-asa sa iyong palad. Gamitin ng mas mahusay para sa mas magandang bukas...
Lumikas, tumakas sa hirap na dinaranas. Pansinin mo ang paligid, hanapin ang tamang landas. Tumingin ka sa ibaba, tumingin ka sa itaas. Tingnan mo ang ibon, naglilipat na ng bagong pugad...
▲
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento