
▲ Sa lugar na ito, ako ay nabighani. Malamig na hangin sa pisngi ko'y dumampi. Sa aking panaginip ito yong aking minimithi. Kaya nagpasiya ako na dito na manatili...
Gawa ko nga pala yang dalawang rebultong nasa likod. Sampung-taon na yan dyan na nakatayong walang pagod. Pati itong bata at babaeng tumutugtog. Gawa ko rin yan kaibigan sa tingin mo ba ayos?..
Gustong-gusto ko talaga sa lugar na ito. Mahamog, malamig, walang ingay, walang gulo. Masarap magpinta kahit magdamagan pa ito. Masarap din na mag-ukit kapag kalikasan ang kapiling mo...
Sa bawat paghakbang ko'y kay rami kong napapansin. Mga naglalakihang puno at bulaklak na panglambing. Mga huni ng ibon, iba't iba ang halinghing. Mapa-pipit o mapa-maya, musika kung aking ituturing...
Dito rin ako gumagawa nitong aking mga tula. Tingin ko sa bawat likha sa akin ay nagsasalita. Kahit itong dahon, kahit itong lupa. Wari ko'y nagpapahayag ng kani-kanilang dula...
Marami na ring puno na lumaki at natibag. Mga higanteng kawayan sa kwento ni Maganda at ni Malakas. Itong bunga ng durian kailan kaya malalaglag? Tingnan mo nga naman, kita ko ang dagat mula sa itaas...
Tuwing madaling-araw, kay sarap bumangon. Kumikilos ang langit mula sa violeta at azul. Pumupula, nagrorosas, dumidilaw, tumutugon. Hudyat na ang araw ay sisikat na sa maghapon...
↑▲↑
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento