
◎ Gulagulanit. Punit-punit. Naluluha itong munting paslit. Pulang-pula ang hinagpis, punung-puno sa hinanakit...
Walang panahon na maglaro. Sa lansangan ay nakaupo. Nanghihingi, nanlilimos. Kalong ng ina na uugod-ugod...
Barya-barya. Tunog ng pag-asa. Sa kalawanging butas na lata. Wala pang kain, kahapon pa ng umaga. Butas na sikmura'y masisidlan pa ba?...
Pagulong-gulong sa tabi ng kalsada. Ulanin at arawin, tuloy sa pamamarya. Tuyot na lalamunan, sa ulan umaasa. Pinapawi ang uhaw sa imburnal na basura...
Tagpi-tagping karton, bahay na may gulong. Tahanan na sinlaki, kasing-laki ng kabaong. Saan papadparin itong bunga ng kahapon? Sa mukha ng kinabukasan, sino ang tagapagtanggol?...
△△△△△△△△△
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento