TULOY PO KAYO

Maligayang bati sa iyong pagbisita. Harinawari ay masiyahan ka sa mga salitang iyong mababasa at litratong iyong makikita. Ngunit maaari rin na malungkot ka at magdalamhati, magalit o matawa, mainis o masuka, o gumulong sa katatawa. Natural lang yon, tao lang, tuloy ang basa.

Paunang Salita

Ang bawat letra, salita, pangalan, lugar at sari-saring pa-ek-ek na kabaduyan at matitinong kahulugan ay kathang-isip lamang at hindi ito ginawa para maka-sakit ng tao. Wala ding nasaktan na mga hayop at insekto habang ginagawa ang "blog" na ito. Pakisuyo lang po..."Mag-alis ng muta, bago bumangon. At huwag mahiga buong maghapon."

Pero, paminsan-minsan ay may mga "blog" din na hinango sa totoong buhay, totoong kapighatian, totoong kaligayahan, totoong kabiguan at totoong tagumpay. Paunawa lang po..."Bawal mangulangot sa jeep."

Lunes, Agosto 3, 2020

PANDEMYA

Paikot-ikot sa kwadradong semento.
Patakbo-takbo sa maliit na kwarto.
Kailangang magpalakas, kailangan ng ehersisyo.
Patibayin ang katawan lalo na sa panahong ito.

Hindi pa ligtas lumabas, may panganib huwag mangahas.
May sakit na gumagala, mahirap mawari, mahirap maaninag.
Kailangan mo'ng lumayo kung ikaw ay makikipag-usap. 
At kung maari ay tumupad sa pinaiiral na batas.

Habang ako'y nakaupo sa tabi nito'ng bintana.
Parang ang linaw ng langit, bughaw ang nakikita.
May mga nagliliparang ibon, ano ito?, malikmata?
Luminis yata ang paligid, parang kataka-taka.

At sa hindi kalayuan ay tanaw ko ang ilog.
Umaagos na tubig ay kumikinang parang bubog.
Habang ang mga bibe ay nanginginain sa suluk-sulok. 
Wala ng mga basura, luminis na ng lubos.

Ang dami kong nakikita na hindi ko noon napapansin.
Ang dami kong naririnig na hindi ko maihambing.
Ang dami kong naiisip, ang dami kong gustong gawin.
Ano itong nararamdaman at para akong nababaliw...

Lamberto Acyatan
June 6, 2020